Leni-Raffy, Sara-Imee dikit sa 2028 presidential race – survey

MANILA, Philippines — Nagtabla sa hypothetical matchup para sa 2028 presidential election ang tambalang Naga City Mayor Leni Robredo at Senador Raffy Tulfo laban sa tandem nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos, batay sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Sa survey na isinagawa noong Hulyo 4–11, 45% ang nagsabing iboboto nila si Robredo bilang presidente at si Tulfo bilang bise presidente, habang 42% ang pumabor kay Duterte bilang presidente at Marcos bilang bise presidente. Dahil nasa tatlong puntos lamang ang diperensya, pasok ito sa margin of error na ±3 percentage points, kaya’t itinuturing na statistical tie.
Noong May survey, nakakuha ng 44% ang tambalang Robredo-Tulfo kumpara sa 40% ng Duterte-Marcos. Malakas ang Robredo-Tulfo sa NCR (56%) at Balance Luzon (61%), habang dominado ng Duterte-Marcos ang Mindanao (90%).
Sa socioeconomic classes, nakakuha ang Robredo-Tulfo ng 48% sa Class D, 41% sa Classes ABC, at 33% sa Class E. Samantala, nakakuha ng pinakamataas na puntos ang Duterte-Marcos sa Class E (53%), Class D (41%), at Classes ABC (37%).
- Latest























