‘Bigayan’ sa ilang award-giving bodies, garapalan! Mahuhusay na aktor at aktres, sanay nang mabokya!
May narinig na naman kami, bakit daw kaya si Aga Muhlach, na kinikilala ng mas maraming tao na isang mas mahusay na actor ay natatalo pa sa awards.
Hindi lang si Aga. Marami pang mas mahuhusay na actor, o mas mahuhusay na aktres na tinatalo sa mga award. Kasi nakasalalay iyan sa choices o ano mang iba pang considerations na ginawa ang mga humatol sa kanilang abilidad sa acting.
Hindi natin masasabi na lahat ng ginagamit na considerations ay tama, bagama’t maganda ang sinasabing criteria. Ayaw naman naming gumawa ng speculations kung ano ang ibang “considerations” na ginagamit ng iba. Pero talagang kung minsan may mga “nangyayaring hindi maganda”.
Iyon ang dahilan kung bakit ‘yang awards, maliban na lamang doon sa mga award giving bodies na wala pang bahid ang kredibilidad, hindi na masyadong pinapansin ngayon. Natatandaan namin, may panahong ikinakabit sa pangalan ng mga artista ang kanilang pananalo ng isang award, hanggang sa sila ay mapalitan sa kasunod na taon. Ngayon wala nang gumagawa ng ganoon. Kasi nga mananalo ka ngayon, makalipas lang ang isang linggo may panibago na namang award at talo ka na.
Kaya ang sinasabing higit na mahalaga, at higit na pinaniniwalaan ng mga tao ngayon ay iyong public acceptance sa mga artista. Kahit na ilang award pa ang mapanalunan mo, kung hindi naman kumikita ang pelikula mo, at hindi ka rin pinanonood ng mga tao, bale wala iyon.
Iyon ang advantage ng mga artistang kagaya ni Aga Muhlach, o ni Vilma Santos, na dahil kinikilala na ng mga tao talaga dahil sa kanilang kahusayan, wala man silang award pinanonood ng mga tao ang kanilang pelikula.
Iyang trophy, good for one night lang iyan. Kung nakakapagduda pa ang nagbigay sa iyo ng award, baka isang oras lang ay wala na iyan. Depende iyan sa award giving body. Sa ngayon, at ito ay isang personal naming paniniwala, ang masasabi lang naming pinaniniwalaan namin ay iyong The Eddys na ibinibigay ng mga entertainment editor ng mga lehitimong diyaryo, ang Urian na ibinibigay naman ng mga lehitimong kritiko ng pelikula at ang CMMA dahil hindi nila kayang “lagyan” ang mga obispo ng simbahang Katoliko.
Ang susunod siguro ninyong tanong, talaga bang may naglalagay para lang makakuha ng award?
Mayroon talaga, kaya nga hindi lahat ng awards ay pinaniniwalaan ng publiko eh. Minsan nga hayagan pa eh, dahil sinasabi pa nila mismo na sila ay “binigyan”. Sabihin mo mang ang “pagbibigay” ay ginagawa bago ang awards, o pagkatapos na ng award na tinatawag pa kunwaring “thanksgiving”, “bigayan” pa rin kung hindi “lagayan” ang tawag diyan.
Kasi kahit na sabihin mong tapos na ang award, maaaring bago pa ang award ay “may pangako” na, ibig sabihin ang “ipinangakong thanksgiving” ang siyang batayan o konsiderasyon.
Ayaw na naming sabihin kung sino, pero noong nakaraang taon, may isang pangulo ng isang award giving body na tumanggi sa imbitasyon sa kanila ng isang nanalo pagkatapos ng award. Iyon naman kasi ang tamang prinsipyo eh. Ibig sabihin wala kang hinihintay na pabor, kaya kami naniwala sa awards nila. Pero iyong nagpipilit pang i-blow out sila dahil pinapanalo nila, wala ang mga ganoon.
Hindi pinaniniwalaan ang ganoong awards, dahil may “iba ngang considerations”.
- Latest






















