Hustisya sigaw sa pinaslang na brodkaster sa Cebu
MANILA, Philippines — Hustisya!
Ito ang mariing sigaw kahapon ng Nagkaisa Labor Coalition na mariing kinondena ang ambush-slay sa radio broadcaster at station manager na si Erwin “Boy Pana” Segovia sa Bislig City noong Lunes ng umaga.
Si Boy Pana ay pinagbabaril matapos tambangan ng mga armadong lalaki habang lulan ng motorsiklo pauwi na sa kanilang tahanan matapos ang radio program nito, sa bahagi ng national highway ng Brgy. Mangagoy, Bislig City.
Ang biktima, station manager ng Radyo Gugma at radio host ng programang “Diretsahan ni Boy Pana Segovia” sa 95.8 DXCB FM radio ay napuruhan ng mga tama ng bala sa ulo na siyang kumitil sa buhay nito habang mabilis namang nagsitakas ang mga armadong salarin.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Sonny Matula si Segovia ay ikatlong mediaman na pinaslang sa bansa sa taong ito matapos ang pamamaslang kay veteran columnist at dating Kalibo, Aklan Mayor Juan “Johnny” Dayang noong Abril at dati ring radio broadcaster na aktibistang si Ali Macalintal, isang transwoman noong Hunyo.
“Don’t kill the voice of reason. Journalists and trade unionists alike defend the public interest by speaking truth to power. Silencing them with violence is a betrayal of our freedoms,” dagdag pa ni Matula na nanawagan sa administrasyon na tuldukan ang kultura ng patayan, tugisin at litisin ang mga sangkot sa krimen.
- Latest
























