14 na patay, higit 2K katao naratay sa dengue sa Agusan del Sur

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 14 katao ang death toll habang nasa 2,018 namang katao ang tinamaan ng peligrosong sakit na dengue mula sa virus ng kagat ng lamok sa lalawigan ng Agusan del Sur, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa rekord ng Provincial Health Office (PHO) na ibinahagi sa Office of Civil Defense (OCD) CARAGA Region, ang nasabing bilang ng mga biktima ay naitala mula Enero 1 hanggan Oktubre 1 ng taong kasalukuyan.
Noong Setyembre 29, una nang nagdeklara ang PHO ng province-wide outbreak ng dengue base sa patuloy na pagtaas ng impeksiyon ng dengue.
Idineklara rin ng PHO na ang mataas na kaso ng dengue ay naglagay sa lalawigan sa red alert status. Nabatid pa na ang mga tinamaan ng dengue ay mula sa mga bata hanggang sa matatanda.
Sa tala ang bayan ng Rosario ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga taong dinapuan ng dengue na nasa 543 ang bilang, sinundan ng San Francisco 271; Bayugan City 229, Loreto 204 at Bunawan, 180 kaso at iba pang mga apektadong lugar.
Sa pahayag ni Dr. Agnes Cullantes, chief ng Department of Health (DOH) Provincial Office, nagpakalat na rin ng surveillance teams upang mangalap ng data sa mga kaso ng dengue sa 14 munisipalidad at lungsod ng Bayugan sa naturang probinsiya.
- Latest





















