Impeachment trial vs VP Sara posibleng tumawid sa Christmas break - Diokno

MANILA, Philippines — Posibleng umabot pa lampas sa Christmas break ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court, ayon kay prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno.
Bagama’t target ng prosecution panel na matapos ang paglilitis bago mag-Pasko, sinabi ni Diokno na mahirap magtakda ng eksaktong deadline dahil kailangan pa ring sundin ang due process at mabigyan ng sapat na panahon ang magkabilang panig na maiharap ang kanilang mga ebidensya at testigo.
Ayon sa depensa, may anim hanggang walong testigo pa silang nakatakdang iharap sa mga pagdinig sa Disyembre 1 hanggang 4. Sinabi naman ni Diokno na handa ang prosekusyon na isailalim sa cross-examination ang mga ito.
Umaasa rin aniya ang prosecution panel na ang mga natitirang testigo ng depensa ay makapagbibigay-linaw sa umano’y P817.87 milyong unexplained wealth at mga hindi idineklarang ari-arian ni Duterte at ng asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Gayunman, tiniyak ni Diokno na nakahanda ang prosekusyon hanggang sa huling yugto ng paglilitis at nananatiling kumpiyansa sa mga ebidensyang naihain nito sa impeachment court.
- Latest




















