PhilHealth magdadagdag ng 20 percent hospital coverage sa regular contributors

MANILA, Philippines — Magkakaloob ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng karagdagang 20% hospital benefit coverage para sa mga regular na nagbabayad ng kontribusyon simula Enero 1, 2027.
Sa ilalim ng programang PhilHealth Tapat, makatatanggap ng dagdag na benepisyo ang mga qualified direct contributors at kanilang mga dependent sa bawat hospital admission na sakop ng first case rate.
Halimbawa, ang kasalukuyang P29,250 na benepisyo para sa moderate pneumonia ay magiging P35,100 dahil sa karagdagang P5,850 na coverage.
Sakop ng programa ang mga empleyado, self-earning individuals, propesyunal, migrant workers at mga kwalipikadong dayuhan, kasama ang kanilang mga dependent.
Ayon sa PhilHealth, hindi nakabatay sa laki ng kontribusyon ang kwalipikasyon kundi sa regular na paghuhulog. Kinakailangang nakapagbayad ang miyembro ng hindi bababa sa 15 buwanang kontribusyon sa loob ng nakaraang 18 buwan bago maospital.
Nilinaw naman ng state insurer na hindi maaapektuhan ang mga benepisyong tinatanggap ng indirect contributors at mga miyembrong subsidized ng pamahalaan.
Gayunman, hindi sakop ng 20% dagdag-coverage ang Z Benefits, standalone outpatient benefits, multiple-session procedures, rationalized case rates at primary care packages gaya ng YAKAP at GAMOT.
- Latest




















