Super Typhoon ‘Champi’ papasok sa Martes – PAGASA

Northern Luzon tutumbukin
MANILA, Philippines — Nananatili pa sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Champi (international name) at posibleng sa Martes ito pumasok sa bansa, ayon sa PAGASA nitong Linggo.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Dan Villamil, na kapag pumasok sa PAR, tatawagin itong Rosal. Huling namataan si Champi sa layong 2,090 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay aniya nito ang maximum sustained winds na 185 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Hindi pa makakaapekto sa bansa si Champi habang nasa labas pa ng PAR, ayon pa sa PAGASA ngunit kapag pumasok na ito sa PAR sa Martes, ay maaaring makaapekto sa malaking bahagi ng northern Luzon sa mga huling bahagi ng linggo. Inaasahan din ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at sa hilagang bahagi ng Ilocos Region.
Habang ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms.
- Latest






















