Relasyon ng Pinas at China buo pa rin - Malacañang

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na nananatiling buo ang relasyon ng Pilipinas at China sa kabila ng palitan ng maanghang na salita ng Chinese Ambassador at ng ilang mambabatas.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang hindi gumanda ang relasyon ng gobyerno sa China dahil sa mga palaban na pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.
Matatandaang sinabi ng Chinese embassy sa Maynila na kasalukuyan ay nasa “extremely sensitive stage” ang relasyon ng dalawang bansa.
Pero inihayag din ng Chinese embassy na bukas ito sa paghaharap ng personal nina Marcos at Quan upang mapag-usapan kung papaano maiiwasan ang ginagawa umano ng ilang indibidwal na paglalagay ng relasyon ng dalawang bansa sa “dangerous situation.”
“We welcome such good opportunity of face to face communication. Ambassador Jing looks forward to exchanging views on certain important and sensitive issues with the President. Especially how to prevent some individuals from pushing bilateral relations into a dangerous situation,” pahayag ng Chinese embassy.
Nauna ng inihayag ng Malacañang na kakausapin ng Pangulo ang Chinese envoy sa diplomatikong pamamaraan para hindi masira ang relasyon ng dalawang bansa.
- Latest

















