Nakalalasong cadmium nadiskubre sa vape

DOH binalaan publiko…
MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mapanganib na epekto sa kalusugan ng cadmium, na isang nakalalasong kemikal na nadiskubre sa vape aerosols.
Sa isang abiso, sinabi ng DOH na ang cadmium sa vape ay maaaring makapinsala sa ating kalusugan.
Paliwanag ng ahensiya, ang cadmium ay isang nakalalasong metal na maaaring makapinsala sa bato at mga buto.
Ang matagal na exposure anila rito ay maaari ding magpataas ng panganib ng kanser.
Anito pa, natukoy na may cadmium ang ilang aerosol ng vape, kaya hindi dapat balewalain ang panganib nito sa kalusugan.
“Ang nakakatakot: hindi lang cadmium ang maaaring malanghap mula sa vape. May iba pang nakalalasong kemikal tulad ng benzene, diacetyl at acrolein na maaari ding magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan,” babala pa ng DOH.
“Kaya hindi dapat maging abot-kaya ang mga produktong naglalantad sa mga Pilipino, lalo na sa kabataan, sa mga kemikal na nakapipinsala sa kalusugan,” anito pa.
Nanawagan din naman ang ahensiya na suportahan ang buwis na poprotekta sa kalusugan ng mga Pilipino.
Ang bawat piso ng Sin Tax ay may katumbas na buhay na naliligtas, dahil inilalayo nito ang vapes mula sa abot ng mga Pilipino, anang ahensiya.
- Latest




















