20 iskul sa Zambales nabulabog sa bantang ‘mass shooting’
MANILA, Philippines — Nabulabog ang nasa 20 pribado at pampublikong eskuwelahan sa bayan ng San Antonio, Zambales bunsod upang makansela ang klase ng mga estudyante sanhi ng banta sa “mass shooting” nitong Lunes.
Dahil dito, agad pinauwi ang mga estudyante at mga guro para sa kanilang kaligtasan sa lahat ng eskuwelahan sa nasabing bayan.
Agad namang inutos ni Zambales Provincial Police Office (ZPPO) director Col. Benjamin Ariola, ang pagde-deploy ng mga pulis sa mga paaralan na nagsagawa ng pagpapatrolya.
“We are taking this matter seriously. Our priority is to ensure the safety of our students, teachers, and the entire community while our investigators determine the veracity of the information,” saad ng opisyal.
Ang nasabing banta ay nakarating kay San Antonio Mayor Arvin Antipolo kaya agad na nakipagkoordinasyon sa Department of Education (DepEd) at hiniling ang pansamantalang suspensyon ng klase sa may 20 public at private schools sa kanilang bayan. Agad rin nilang ipinarating ito sa PNP at barangay na mabilis namang umalerto.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang “Jz Rogelio” ang pinanggalingan umano ng banta na tinawag ang kaniyang sarili bilang “whistleblower” sa babala nito sa publiko na ipinarating nito kay Mayor Antipolo at iginiit na hindi umano biro ang kaniyang banta.
- Latest


















