PNP naka-heightened alert sa BSKE, Undas
MANILA, Philippines — Naka-heightened alert ang Philippine National Police (PNP) sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) simula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2.
Ito ang sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations PLt. Gen. Michael John Dubria upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Dubria, hindi nila ibababa ang kanilang alert status hanggang Undas, kung saan magiging abala naman ang publiko sa pagdalaw sa sementeryo at pagbiyahe sa long weekend.
Samantala, ang full alert status naman sa Christmas ay nakasalalay sa assessment ng mga chief of police. Hindi rin papayagan na magbakasyon ang mga pulis simula sa ikalawang linggo ng Disyembre hanggang Enero 2024.
Umaabot na sa 251,592 checkpoint operations ang naisagawa ng PNP mula nang magsimula ang election period noong August 28.
Nakumpiska ng pulisya ang 1,103 baril habang nahuli ang 1,479 indibidwal sa paglabag sa gun ban.
Nasa 995 baril ang isinuko sa pulisya at 1,905 baril ang idineposito para sa safekeeping.
- Latest