397 rockfall events sa Mayon, naitala

Residente sa 7-8 km danger zone pinaghahanda sa paglikas
MANILA, Philippines — Nakapagtala pa ang Bulkang Mayon ng 397 rockfall events, 4 volcanic earthquakes at 2 pyroclastic density currents (PDCs) sa nakalipas na 24-oras.
Ayon sa Phivolcs, nakikitaan din ito nang mabagal na pagdaloy ng lava mula sa crater na may habang 2.7 kilometro sa Mi-isi gully at 1.3 kilometro sa Bonga gully, gayundin ng pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro at 4 kilometro sa Basud Gully.
Naitala naman ang daily sulfur dioxide emission ng bulkan sa 864 metriko tonelada habang ang plumes o pagsingaw nito ay umabot sa 1,500 metro ang taas, at napapadpad sa timog-kanluran, timog timog-kanluran at hilagang kanluran.
Mahigpit pa rin ang paalala ng Phivolcs sa mga residente sa paligid ng bulkan hinggil sa posibilidad nang pagguho ng mga bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Una nang pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente sa loob ng 7-8 kilometrong extended danger zone ng bulkan na maghanda na sa posibleng paglikas matapos na makapagtala ng PDC sa Basud Gully na may apat na kilometro ang haba.
- Latest


















