Pagbubukas ng klase simula na ngayon
MANILA, Philippines — Nakatakda nang magbukas ngayong Lunes, Setyembre 13, ang klase para sa School Year 2021-2022.
Pangungunahan ni DepEd Secretary Leonor Briones ang National School Opening Day program upang pormal na ideklara ang pagbubukas ng klase, na may temang “OBE 2021: Bayanihan para sa Ligtas na Balik Eskwla”.
Inaasahan namang magbibigay rin si Pang. Rodrigo Duterte ng kanyang mensahe para sa mga guro at mga mag-aaral.
“Ang pagbubukas ng SY 2021-2022 ay tanda ng tagumpay ng ating pagbabayanihan para sa isang ligtas na balik-eskwela para sa ating mga mag-aaral, guro, pati na rin ang ating iba pang stakeholders,” anang DepEd.
Sa pinakahuling datos ng DepEd nitong Setyembre 10, umaabot na sa halos 22 milyon ang mga estudyante na nagpatala para sa SY 21-22.
Ang registration period para sa SY 21-22 ay sinimulan noong Agosto 16, 2021 at nakatakdang magtapos ngayong araw, maliban na lamang kung magdesisyon ang DepEd na palawigin pa ito.
Mananatili pa ring blended learning ang gagamiting sistema sa pag-aaral ng mga estudyante dahil patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagdaraos ng face-to-face classes dahil sa pandemya.
- Latest