Bawas Presyo bill giit gawing ‘urgent’

MANILA, Philippines — Binigyang diin ni Sen. Bam Aquino na dapat sertipikahan bilang urgent ang kanyang Senate Bill 1798 o Bawas Presyo Bill dahil mayroong ikalawang round ng pagtaas sa excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law sa Enero 2019.
Inihain ni Sen. Bam ang panukala na layong suspindihin at i-rollback ang excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.
Noong nakaraang taon, sinabi ng pamahalaan na maglalaro lang ang inflation sa dalawa hanggang apat na porsiyento. Pagkatapos, binago nito ang pagtaya sa apat na porsiyento hanggang 4.5 porsiyento.
Sa ngayon, ang inflation ay nasa 5.7 porsiyento. At sa nakalipas na Senate hearing, inamin ng Department of Finance na hindi nito pinag-aralan ang tinatawag na indirect effect ng TRAIN Law. Napako naman ang GDP ng bansa sa 6.8 porsiyento sa unang bahagi ng taon, malayo sa target na 7-8 porsiyento.
Sa halip na tutukan ang ibang hakbang para labanan ang inflation, sinabi ni Bam na dapat suportahan ng gobyerno ang kanyang Bawas Presyo Bill at tanggalin na ang excise tax sa petrolyo.
- Latest



















