EVAT ipinagmalaki ni GMA sa CGI meet
Hong Kong - Ipinagmalaki ni Pangulong Arroyo na kaya hindi apektado ang Pilipinas ng global financial crisis ay dahil sa ipinatupad na Expanded Value Added Tax (EVAT) program ng pamahalaan.
Sa kanyang speech sa Clinton Global Initiative Asia forum na ginaganap sa Grand Hyatt hotel sa Hong Kong, sinabi ni Mrs. Arroyo, kahit alam niyang mahirap ang kanyang ginagawang desisyon noong 2005 sa pagpapatupad ng EVAT ay batid niyang makakatulong naman ito sa ekonomiya ng Pilipinas..
Aniya, umaabot sa P80 bilyon hanggang P100 bilyon ang taunang nakokolekta ng pamahalaan mula sa EVAT at ito ang nagligtas sa Pilipinas mula sa magiging epekto ng global financial crisis.
“We were able to have subsidized rice for the poorest of the poor distributed by churches, NGO’s and local governments,” wika pa ni Mrs. Arroyo.
Ipinagmalaki pa ni PGMA sa forum na dahil sa koleksyon ng EVAT ay natulungan din ng gobyerno ang transport sector upang hindi nila itaas ang pamasahe.
Muling nagkita sina Mrs. Arroyo at ex-US President Bill Clinton sa nasabing CGI meeting. Magka-klase sa Georgetown University sa Washington, DC sina Arroyo at Clinton. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending