Driver itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang pedicab driver matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa isang terminal sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot pang buhay nang dalhin sa Pagamutan Bayan ng Malabon sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Benjie De Guzman, 23, ng Lower Tupda, Brgy. 8 ng naturang lungsod.
Blanko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspect at nagsasagawa pa ng follow-up hinggil sa insidente.
Ayon sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-3:00 kahapon ng madaling araw sa isang terminal sa panulukan ng Sabalo at C-4 Road ng naturang lungsod.
Namamasada ang biktima ng kanyang tricycle at habang naghihintay ito ng pasahero ay biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka at walang salitang binaril ang biktima.
Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga suspect at ang biktima naman ay dinala ng ilang taong naroroon sa nabanggit na ospital ngunit diniklara itong DOA. Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.
- Latest