Krema (15)
KINABUKASAN, habang nag-aalmusal sila, sinabi ng kanyang Tiyo Mon na sa palayan naman niya dadalhin si Lex. Gustong ipagmalaki ng kanyang tiyo ang magandang bunga ng kanyang palay na puwede nang anihin. Dahil daw sa palayang iyon kaya siya hindi nagugutom. Bukod sa nakapagbebenta siya ng ani ay marami pang naiistak para sa pagkain. At kayang-kaya raw niyang pakainin nang masarap si Krema mula sa pinaghirapan niya sa bukid.
“Kapag nakita mo ang palayan ko, baka gustuhin mong dito na manirahan sa bukid, Lex. Maaakit ka sa gintong mga butil na nasa gitna ng linang. Masasamyo mo ang bango ng nahihinog na palay.’’
“Palagay ko nga Tiyo Mon ay baka dito na ako manirahan. Ikinukuwento mo pa lamang ang magandang tanawin sa iyong palayan ay nai-excite na ako.’’
“Talaga ha? Putang-ina, kaya mo kayang iwan ang magandang mong trabaho at malaking suweldo?’’
“Bakit naman hindi Tiyo?’’
“Putang-ina, mahirap magsaka. Kapag nakabilad ka na sa araw, baka maisumpa mo ang pagsasaka, ha-ha-ha! Ako, kaya kong tiisin ang init dahil mahal ko ang pagsasaka. Pagmahal mo ang trabaho, kahit anong hirap magugustuhan mo. E ikaw, sanay ka sa magandang opisina. Sanay ka sa magandang sasakyan. Ano ba ang kotse mo, Lex?’’
“Mumurahin lang Tiyo. Hindi naman ako mahilig sa mamahalin.’’
“Sabagay kung gusto mo rito, puwede na rin. Pagnagdesisyon, ka sabihin mo lamang at ibibigay ko sa’yo ang isang ektaryang taniman ko.’’
“Naku, talaga Tiyo?’’
“Putang-ina hindi ako nagbibiro.’’
“Puwede naman akong bumili Tiyo. Pero ang bibilhin ko e katabi ng lupa mo.’’
“Sige kung yan ang gusto mo.’’
Natapos ang pag-aalmusal nila.
“Sige aalis na tayo, Lex.’’
“Sige po Tiyo, gusto kong makita ang palayan mo.’’
“Pakikuha mo sa dingding ang karit na panggapas. Nasa may malapit sa kuwarto ni Krema. Lalabas na ako at kukunin ang kalabaw na gagamitin natin,.’’
“Sige po.’’
Tinungo ni Lex ang kinaroroonan ng karit. Nang kunin niya, nasulyapan niya si Krema sa silid nito.
Nagbibihis si Krema!
(Itutuloy)
- Latest



















