Lady Falcons pasok sa SSL Finals

MANILA, Philippines — Winakasan ng Adamson University ang dominasyon ng National University matapos ang 24-26, 28-26, 25-23, 25-20 pag-eskapo sa kanilang knockout semifinal match papasok sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup Finals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumanat sina Shaiana Nitura at Frances Mordi ng tig-16 points sa pagsampa ng Lady Falcons sa finals ng torneong may nakatayang P1 milyong premyo at itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
“Alam naming inilaban namin ‘yung first set and alam namin na nagkulang kami,” sabi ni Nitura. “Ang sinabi lang namin sa isa’t isa at ng mga coaches na huwag bitawan. Kalimutan na ang first set kasi may apat pa na sets na upcoming. So nag-focus kami sa present.”
Nag-ambag si Third Tuddao ng 11 points, habang tumipa si setter Fhei Sagaysay ng 20 excellent sets.
Lalabanan ng Adamson sa finals ang mananalo sa semis duel ng University of Santo Tomas at Far Eastern University na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.
- Latest


















