Creamline, Farm Fresh agawan sa bonus

MANILA, Philippines — Ang pagbangon sa tatlong sunod na kamalasan ang misyon ng Creamline para maagaw ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ incentive sa semifinals ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Lalabanan ng Cool Smashers ang kapwa semifinalist Farm Fresh Foxies ngayong ala-1 ng hapon sa pagtatapos ng elimination round sa Philsports Arena sa Pasig City.
Swak na sa semis ang Nxled (7-0), Farm Fresh (5-2), Choco Mucho (5-3) at Creamline (4-3), habang talsik ang PLDT (4-4), Akari (3-5), Capital1 Solar Energy (2-5), ZUS Coffee (2-5) at Galeries Tower (1-7).
Bagama’t magkaiba ng kartada at parehong may 16 points ay nakapasok pa rin ang Cool Smashers sa semis kumpara sa High Speed Hitters base sa set ratio win.
“Malaki ‘yung chance namin for the next game. Hawak pa rin namin ‘yung magiging gusto namin mangyari. Kailangan namin trabahuhin ‘yun,” sabi ni Creamline spiker Bernadeth Pons matapos ang kanilang four-set loss sa semifinalist Nxled sa huli nilang laro.
Sa tournament format, ang top four teams matapos ang single round-robin elimination ang papasok sa semifinals kung saan ang No. 1 at No. 2 squads ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ bonus kontra sa No. 3 at No. 4 seeds.
“Hindi po namin alam kung anong puwede mangyari sa game namin sa Creamline kasi nilalaban din po nila ‘yung spot nila for twice-to-beat, same as us,” wika ni Farm Fresh hitter Trisha Tubu matapos ang kanilang 25-17, 25-21, 23-25, 25-23 panalo sa Capital1.
Ang panalo ng Cool Smashers ang mag-uupo sa kanila sa No. 2 katapat ang No. 3 Flying Titans, habang lalabanan ng No. 1 Chameleons ang No. 4 Foxies.
Kung mananaig ang Farm Fresh ay sila ang kukuha sa No. 2 kaharap ang No. 3 Choco Mucho at makakasagupa ng No. 1 Nxled ang No. 4 Creamline.
- Latest



















