Gilas return ni Abando napurnada

MANILA, Philippines — Napurnada ang pagbabalik ni Rhenz Abando sa Gilas Pilipinas na sasabak sa fifth window sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Malaysia.
Ito ay matapos magtamo ng injury si Abando habang naglalaro ito sa laban ng Anyang kontra KCC Egis sa Korean Basketball League (KBL) noong Huwebes.
Dahil dito, hindi na muna makalalaro pa si Abando para sa Gilas dahil kailangan pa nitong makarekober mula sa naturang injury.
Ilang araw na lamang ang nalalabi bago sumalang ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers kung saan unang makakasagupa ng Pinoy cagers ang Syria sa Nobyembre 27.
Papalitan ni Troy Rosario ang nabakanteng puwesto ni Abando.
Nanghihinayang si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa pagkawala ni Abando na ngayon lang ulit maglalaro sa Nationals matapos ang mahabang panahon.
Huling naglaro si Abando para sa Gilas noon pang 2023 FIBA World Cup na ginanap sa Maynila kung saan si Chot Reyes pa ang head coach ng tropa.
Sa kabila ng pagkawala ng ilang players, nananatiling malakas ang Gilas lalo pa’t maglalaro na si naturalized player Bennie Boatwright.
Hahataw din sina Kai Sotto, Quentin Millora-Brown at AJ Edu kasama sina Dwight Ramos, Scottie Thompson, Chris Newsome, Kevin Quiambao, Juan Gomez de Liaño, CJ Perez at Mike Phillips.
- Latest


















