^

True Confessions

La Viuda (52)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Mabilis na bumaba si Ernesto sa hagdanan ng mansiyon, halos matisod sa bawat hakbang habang pilit na hina­habol ang anino sa bakuran.

“Andres!” sigaw ni Ernesto habang tumatakbo patungo sa harap ng bodega.

Huminto siya sa mismong tapat ng pintuan at mabilis na iniharang ang kanyang katawan. Hingal na hingal si Ernesto, nanlalamig ang mga kamay habang nakatitig sa lalaking nakatayo sa kanyang harap. Ngunit hindi huminto si Andres. Dahan-dahan itong naglalakad nang tuwid, parang isang makinang walang nararamdaman. Nang tumama ang liwanag ng buwan sa kanyang mukha, napahinto ang hininga ni Ernesto. Ang mga mata ni Andres ay nakatitig lamang sa kawalan: walang kislap, hindi kumukurap, at parang wala sa sariling katinuan.

“Anong kabaliwan ‘to?!” marahas na hinawakan ni Ernesto ang dalawang balikat ni Andres at nanginginig itong inalog.”Andres! Pinatakas ka na namin! Bakit ka bumalik?!”

Walang anumang reaksyon si Andres. Maging ang pani­ngin nito ay hindi man lang bumaba para tingnan si Ernesto. Doon napagtanto ni Ernesto ang katotohanan. Kontrolado ng kanyang ina at ni Mang Teban ang katawan ng binata. Isang matinding galit at panlulumo ang sumabog sa dibdib ni Ernesto. Napahigpit ang hawak niya sa damit ni Andres. Dahil kamukhang-kamukha nito ang kanyang yumaong kapatid na si Emilio, hindi siya papayag na may masamang mangyari rito.

“Paglabanan mo ‘yan Andres!” utos ni Ernesto, garalgal­ ang boses sa matinding pait. “Ibinigay ko na sa ‘yo ang lahat! Halos isakripisyo ko ang buhay ko para makatakas ka... ipinaubaya ko pati si Kristina kahit mahal na mahal ko siya! Ipinagkatiwala ko siya sa ‘yo para makalayo kayo sa impyernong ‘to!”

Ipinulupot ni Ernesto ang kanyang bisig sa katawan ni Andres­ para pigilan ito. “Umalis ka na! Huwag kang pumasok sa loob!” Ngunit parang humahawak si Ernesto sa isang pader na gawa sa bakal.

Sa isang simpleng igkas lamang ng braso ni Andres, walang galit, walang emosyon, marahas na tumilapon si Ernesto sa semento ng bodega. Napasigaw si Ernesto sa sakit nang tumama ang kanyang balikat, ngunit mabilis pa rin siyang gumapang sa lupa upang hawa­kan ang binti ng binata.

“Huwag... Andres, paki­usap...” hikbi ni Ernesto habang pilit na ginagamit ang natitirang lakas para pigilan ang paa nito.

Ngunit ang lakas na nagpapatakbo kay Andres ay hindi na lakas ng tao. Isang tadyak lang nito ay napabitaw si Ernesto.

Pinagmasdan ni Ernesto ang anino ni Andres habang dahan-dahan itong pumapasok sa ma­dilim na pintuan ng bodega, nag­lalakad nang kusa pabalik sa kanyang selda. (Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with