La Viuda (18)
HANGGA’T hindi umaalis si Natasha, ipinagpatuloy ni Kristina at Ernesto ang pagpapanggap nila na sila ay nag-aaway.
“At sino ka naman para kuwestiyunin ako sa pagpasok sa opisina ni Mama? Sampid ka lang dito Kristina, doon ka sa mausuleo nababagay kasama ng bangkay ni Kuya!”
PAK! Isang malakas na sampal ang lumagapak sa pisngi ni Ernesto. Napapihit ang ulo ng binata sa lakas niyon, samantalang napaatras naman si Natasha sa sobrang gulat.
“Huwag mo akong sinusubukan, Ernesto! Ako pa rin ang asawa ng tagapagmana nitong hacienda!” galit na sigaw ni Kristina.
Mabilis na nakabawi si Ernesto. Hinawakan niya ang namumulang pisngi at humarap kay Natasha. “Nakikita mo, Natasha? Huwag ka nang makiusyoso rito bago ka pa madamay sa galit ng babaing ‘yan! Umalis ka na rito!”
Sa takot na madamay sa away, umatras mabilis na umalis si Natasha.
Nang makasigurong wala nang ibang tao sa paligid, mabilis na pumasok sa silid-aklatan sina Ernesto at Kristina.
“Ibang klase ka Kristina” ngingiti-ngiting sabi ni Ernesto habang hinahaplos ang pisngi. “Ang lakas mong sumampal. Sabi ko na nga ba, may tinatago kang kapilyahan. Ganyan ba ang ‘hilig’ mo, ang mag-role play?” nakangising tanong nito.
Pairap siyang tinitigan ni Kristina. “Para sa kaalaman mo, hindi ako umaarte kanina. ‘Yung sampal na ‘yun, ganti ko ‘yun noong isang gabi na sinisilipan mo ako.”
Hindi nakakibo si Ernesto. Sa halip, inilabas na lang nito mula sa bulsa ang itinagong blueprint at mga lumang papel. Inilatag nila ito sa ibabaw ng isang lumang mesa. Sa gitna ng dilaw na papel, nakaguhit ang underground tunnel ng hacienda. May maliit na pintuan sa ilalim ng bodega ng mansiyon na patungo mismo sa isang karsel sa ilalim ng lupa! Sa isang papeles ay listahan ng mga halamang gamot at lason mula kay Mang Teban, nakatala rin ang isang pangalang hindi pamilyar kay Ernesto: Andres.
“Sino si Andres?” pabulong na tanong ni Ernesto.
Napatitig si Kristina sa mapa at sa bodega. “Doon...” turo nito sa lagusan sa ilalim ng bodega. “Dun natin makikita ang sagot bago sumapit ang gabi.”
Itutuloy
- Latest


















