Apoy sa Balsa (14)
NAGING suwabe ang takbo ng shoot matapos makakuha sina Rhea at Kael ang permit. Naging maganda ang kuha ni Direk Julian ang mga eksena sa ilalim ng perpektong liwanag ng dapit-hapon. Habang nagbubunyi ang produksyon, isang pamilyar na boses ang bumasag sa katahimikan ni Rhea mula sa kanyang likuran.
“Rhea!”
Lumingon si Rhea at nanlaki ang mga mata nang makita si Marco, ang kanyang charismatic na senior noong kolehiyo sa kanilang college org. Napanganga si Rhea dito dahil kung noong college ay may hitsura at maporma na ito, ngayon ay sobrang guwapo na nito ngayon at mukhang successful sa buhay.
“Marco?!” gulat na bulalas ni Rhea bago siya nito binalot sa isang mahigpit at pamilyar na yakap.
Natawa si Marco. “Hindi mo ako agad nakilala ano? Kanina pa kita gustong lapitan pero stressed na stressed ka na. Ako ang bagong Marketing VP ng client n’yo. Sabi ko na nga ba, ikaw ang hahawak ng account na ’to.”
Agad silang nagkatawanan, nagbalik-tanaw sa mga puyatan sa mga events ng kanilang college org at mga lumang asaran. Hinawakan ni Marco ang balikat ni Rhea habang nagbibiro, isang kaswal na paglapit na likas sa kanilang matagal na pinagsamahan.
Sa tabi ng production van, nakatayo si Kael habang hawak ang helmet. Tahimik niyang pinapanood ang dalawa. Nakita ni Kael kung paano na-relax ang mukha ni Rhea, isang ngiti na malaya at walang pigil, malayo sa seryoso at stressed na mukha na ipinakikita nito sa kanya sa opisina. Narinig niya ang mga kuwentong hindi niya alam at ang kasaysayang hindi siya kailanman magiging bahagi. Tiningnan ni Kael ang pawisan niyang repleksyon sa bintana ng van, at ang marangyang anyo ni Marco. Sa isip niya, may malalim na nakaraan ang dalawa, at si Marco ang uri ng lalaki na nararapat sa mundo ni Rhea.
Lumapit si Kael para magpaalam kay Rhea, malamig at blanko ang mukha. “Mam Rhea, pabalik na ho ako sa opisina. Pinatatawag na nila ako roon.”
Napatigil si Rhea sa lamig ng boses nito. “Kael, sandali, hindi ka ba muna kakain—?”
“Hindi na ho, Mam,” putol ni Kael nang may pormal na distansiya bago tumango kay Marco at tinalikuran sila, iniwan si Rhea na may biglang kirot sa dibdib.
(Itutuloy)
- Latest
















