Gabbi, secured kay Khalil

Mapapanood na simula ngayong Linggo ang pinakabagong season ng The Voice Kids Philippines.
Si Gabbi Garcia ang magsisilbing Journey Host ng naturang reality singing competition ng GMA Network. “Iba ‘yung dynamic ‘pag bagets. Iba ‘yung imagination nila. Iba ‘yung mga interest nila. Magugulat ka,” bungad ni Gabbi sa 24 Oras.
Kamakailan ay ginanap ang media launch ng programang ito ng Kapuso network. Ang kasintahang si Khalil Ramos pa raw ang naging cameraman ni Gabbi sa event. “Wala akong na-book na shooter. Eh may kailangan akong content. Sabi ko, ‘Sorry, wala na talaga akong ma-shoot.’ Sabi niya, ‘Sige na, ako na.’ Gumising siya ng 8 a.m. para samahan ako kahit na puyat siya. Very, very supportive, hindi kasi siya maingay na tao, he’s not. Our love is not loud. It’s quiet but it’s secured,” pagbabahagi ng Kapuso actress.
Napapanood na ngayon sa mga sinehan ang pelikulang Saving Cherry na pinagbibidahan ni Barbie Forteza. Si Khalil ang gumanap bilang asawa ni Barbie sa naturang comedy film mula sa Regal Entertainment. Proud si Gabbi sa nobyo dahil nabanggit ni Barbie sa isang pahayag na ideal o perfect leading man umano si Khalil. “If other people tell me, ‘Grabe sobrang galing ni Khalil, ang bait niya. He’s the best leading man.’ I have nothing but like praises for him. I’m super, super proud, talagang walang kwestiyon ‘yon. I’m happy that I’m able to share him with other people. Kasi he is really a great guy,” pagtatapos ng dalaga.
Yeng, nag-audition sa Sexbomb
Hindi kailan man pinagselosan si Ryan Bang ng asawa ni Yeng Constantino na si Yan Asuncion.
Si Ryan ang nanligaw noon sa singer bago pa tuluyang nagpakasal sa mister taong 2015. Maraming mga tagahanga ang kinilig nang kantahan ni Yeng si Ryan sa Biyaheng Bente concert ng singer kamakailan sa Araneta Coliseum. “Sobra po siyang nakaka-emphatize kay Ryan. Marami po siyang moments na naaalala sa mga first encounters namin na, ‘Oo nga love, may pagkagano’n ka nga.’ So sabi ko sa kanya, kampihan mo ako,” nakangiting pahayag sa amin ni Yeng sa Fast Talk with Boy Abunda.
Hinawakan ni Yeng ang kamay ni Ryan habang kumakanta at napaluhod pa ang singer sa It’s Showtime host sa naturang concert. Nauunawaan umano ng mister ni Yeng ang nangyari noong gabing ‘yon. “Actually, mas okay nga po ‘yon eh. Kasi realistic ang aking asawa that this is my job. At minsan po may mga ganitong nangyayari. Pero wala po siyang selos. ‘Yon po ‘yung grateful ako. At talagang very understanding po siya. Sa aming dalawa, ako po talaga‘yung selosa,” pagtatapat ng singer.
Samantala, bago sumali sa Pinoy Dream Academy mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas ay nauna nang nag-audition si Yeng upang mapabilang sa Sexbomb Dancers. “Opo, Tito Boy, ito po’y parte ng buhay ko. Hindi kasi po talaga ako magaling sumayaw. Buti po hindi ako nag-qualify talaga. Pero ang nanay ko po talaga, gusto niya ako mag-artista. Eh at that time sina ma’am Rochelle (Pangilinan), ma’am Jopay (Paguia) ay sobrang sikat. Sabi ni mama, ‘Baka ito ang paraan. Subukan mo anak, mag-audition ka dito.’ Tito Boy, katorse lang ako no’n,” natatawang paglalahad ng singer-songwriter. (Reports from JCC)
- Latest
























