Foul!
Malinaw pa sa sikat ng araw ang foul ni Marc Barroca ng Magnolia kay Scottie Thompson ng Ginebra sa final 11 seconds ng “Manila Clasico” noong Linggo sa Araneta Coliseum.
Pero nabulaga ang lahat.
No foul sa mata ng referees. Mintis si Scottie at na-foul ni Christian Standhardinger si Jio Jalalon with six seconds to go.
Isang free throw lang ang naipasok ni Jio. Nanalo ang Hotshots, 93-91. Galit si coach Tim Cone at tulala ang Ginebra fans.
At dahil no call sa foul, hindi pwede i-challenge ng coach.
Kaya ang ending, nganga ang mga taga-barangay. Sayang dahil ang laki ng lamang nila. Umabot yata ng 26 points.
Pwede pa naman naisalba ang panalo kundi nalunok ng mga referees ang pito nila.
Agad umaksyon ang PBA dahil kahit sila, aminado na may foul. Kitang-kita sa replay. May contact sa kamay.
Ang hatol ni judge, este commissioner, Willie Marcial: Suspension.
Oo, suspendido ang tatlong referees sa loob ng game at ang kanilang crew chief. Bartolina.
Wala nang magagawa ang Ginebra. Ni hindi sila nag-protesta.
Maaga pa naman sa tournament. Kung nagkataon na finals ‘yun, patay kang bata ka.
Malamang, riot!
- Latest