AZTER, may hatid sa ‘makapiling ka...’

Mula sa kanilang campus adventure, kwentong Pasko naman ang hatid ngayon ng Kapamilya P-pop group na AZTER sa Makapiling Ka Ngayong Pasko na inilabas sa ilalim ng StarPop.
Paalala ng modern pop song na ang pinakamahalaga tuwing Pasko ay ang makasama ang mga taong mahalaga sa isang tao.
Mula ang Makapiling Ka Ngayong Pasko sa komposisyon ng AZTER member na si Angelo “Gee” Calucin, inareglo ni Justin Catalan, at prinodyus naman ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Bukod kay Gee, kasama rin sa 12-member group na AZTER sina Kean, Charlie, Tatin, Alas, Laurence, Wayne, Loyd, Kiel, Gem, Miguel, at Cray. Layunin ng grupo na maghatid ng catchy pop anthems, makukulay na pagtatanghal, at relatable na kwento sa pamamagitan ng kanilang P-pop music offering.
Inilunsad ng AZTER noong Agosto ang kanilang debut album na “univerZity,” na umiikot sa isang fictional campus at naglalaman ng mga kantang may bitbit na aral sa pag-ibig, pagkakaibigan, at pagtuklas sa sarili. Tampok dito ang mga awiting Parang May Mali, Kupido, Kick Ball Challenge, K Dot, OTW, Unlove You, at Boys Night Out.
Kamakailan ay napanood naman ang grupo bilang isa sa pre-show performers ng Baby Dolls: Ooh La Live sa SM Skydome concert. Naging bahagi rin sila ng Kapamilya all-stars na inawit ang Mabuhay ang Musikang Pilipino para sa Philippine Selection Night ng Eurovision Asia.
Napapakinggan na ang Makapiling Ka Ngayong Pasko ng AZTER sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa karagdagang detalye tungkol sa musika ng AZTER, sundan ang StarPop sa Facebook, X, Instagram, at TikTok.
- Latest




















