Anton, pinangarap lang noon si Marian!

Magkakatambal sina Jillian Ward at Anton Vinzon sa Behind Closed Doors.
Kasamang magbibida sa naturang Prime Video series ng bagong tambalan sina Marian Rivera at Dingdong Dantes. May pagkakahawig umano ang karakter ni Anton sa Batang Riles na si Dagul sa kanyang gagampanan ngayon sa serye. “’Yon nga eh, sa hitsura lang pero tingnan natin kung ano ang maibibigay ko na flavor para sa character ko. Kasi sa Batang Riles medyo masayahin si Dagul eh. Pero dito tingnan natin, ‘yung character ko dito parang chill lang. Hindi siya masyadong talkative, pero tingnan natin dito. May lalim,” pagbabahagi ni Anton sa 24 Oras.
Kahit ngayon pa lamang magkakatambal ay komportable na umano ang aktor na makatrabaho si Jillian. “First time ko makatrabaho si Jill. Comfortable na ako kay Jill dahil nag-uusap na kami. We bond before talaga, mga barkada. Nagkikita kami sa All-Out Sundays pero first time ko lang sa show. I was honored na makatrabaho si Jill. It’s a fit, talagang all-out, ang galing niyang aktres. Kaya looking forward na makatrabaho siya soon,” pagbabahagi ng binata.
Masayang-masaya si Anton dahil natupad ang kanyang pinapangarap lamang noon na makatrabaho si Marian.
Bata pa lamang ay napahanga na noon ang aktor sa Kapuso Primetime Queen. “Gusto kong makaeksena si Ms. Marian dahil sobrang galing niya sa Marimar,” pagtatapos ng Kapuso actor.
Eric, laging diretso uwi!
Isa si Eric Fructuoso sa mga pinakaaktibo sa social media sa kanyang henerasyon. Madalas na napapanood ang iba’t ibang content ng aktor pero kailan man ay hindi ipinakita ang mukha ng kanyang kabiyak. “Unang-una, nirerespeto ko ‘yung privacy niya. Hindi naman siya artista. Minsan kasi, kung ayaw mo masira ang isang bagay, huwag mo nang ipakita sa iba. Saka siyempre marami rin tayong naging kaaway na inggit din sa atin or hindi lang tayo gusto, na gustong manggulo. Ako na lang guluhin n’yo, pero huwag na ‘yung mahal ko sa buhay,” paliwanag ni Eric sa Your Honor.
Kapag walang trabaho o walang ibang ginagawa sa labas ay madalas lamang na magkasama ang aktor at ang kanyang partner. Ngayon ay nakakasama na rin ni Eric ang kabiyak sa pagtakbo. “Into running na rin siya. Nandiyan na rin siya sa healthy lifestyle. Gusto naming maka-inspire ng mga tao. Mas gusto ko kasama siya.
“Kumbaga kaysa barkada, kaysa ‘yung labas nang labas, gusto ko lagi siya ang kasama. Galing ako ng taping, diretso ako uwi. Pagpunta ko ng gym, diretso ako uwi. Mag-pickleball ako, diretso ako uwi. Kahit ano ako, diretso uwi lang ako. Doon ako nag-spend time. Kasi kung lalabas ka pa, gagawin ka pa ng issue. ‘Pag may mga barkada, may kasamang kaibigang babae, tutuksuhin ka. Kahit wala kang gagawin, basta magkakaroon pa ng issue. At least ako, kaya wala akong tsismis sa buhay kasi I just stay home,” paglalahad ng aktor.
(Reports from JCC)
- Latest






















