Jillian, mahaharap na ang concert!
Nalalapit na ang pagtatapos sa ere ng unang tambalan nina Jillian Ward at David Licauco sa pamamagitan ng action-drama series na Never Say Die ng GMA Network, na magkatulong na pinamamahalaan nina Dominic Zapata at Richard Arellano.
Since magtatapos na ang Never Say Die, magkakaroon na ng time si Jillian na harapin ang paghahanda para sa kanyang nalalapit na first solo concert ever na nakatakdang ganapin sa New Frontier Theater sa darating na July 31, 2026 sa ganap na ika-8 ng gabi.
Bukod kay Jillian at sa magdidirek ng kanyang concert na si Marvin Caldito, wala pang ibang detalye ang ibinabahagi na may kinalaman sa unang concert ng Kapuso singer-actress.
Marami tuloy sa fans ni Jillian ang nagtatanong kung magiging special guest din ba si ‘Mr. Big Guy’ sa kanyang first concert?
Kung dinayo ni Jillian at ng kanyang inang si Jennifer ang boxing bout ni Eman last February 2026 na ginanap sa Bohol Cultural Center in Tagbilaran, Bohol, inaasahan na hindi rin mawawala si ‘Mr. Big Guy’ sa concert niya.
Although wala pang pag-amin na nagmumula sa kanila as to the real status, botong-boto naman ang ama ni Eman sa dalaga, ang People’s Champ at boxing icon na si Manny Pacquiao.
At nabanggit ni Eman na focused muna siya sa plano ng Panginoon ngayon at hindi niya muna priority ang lovelife.
Jake, naka-tatlong beauty queen na!
Alam mo, Salve A., sadyang malakas ang appeal sa Kapamilya actor na si Jake Cuenca ang mga (dating) beauty queen dahil dati ring beauty queen ang kanyang bagong kasintahan ngayon, ang 2020 Miss Universe Philippines na si Rabiya Mateo na ex-girlfriend naman ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales.
Dalawa sa past girlfriends ni Jake ay sina Chanel Olive Thomas at si Kylie Verzosa habang huling kasintahan naman niya ang aktres na si Chie Filomeno.
Matapos makita sina Jake at Rabiya sa iba’t ibang okasyon, hindi na itinatago ng dalawa sa publiko ang kanilang relasyon. Katunayan, muling nagkasama ang dalawa sa Miss Universe Philippines pageant bilang presenter.
Sa edad na 38, mukhang wala pang balak lumagay sa tahimik ang actor habang 29 naman si Rabiya.
Halos lahat ng past girlfriends ni Jake ay may mga pamilya na habang ang iba sa kanila ay may iba nang karelasyon at kasama na rito sina Roxanne Guinoo, Melissa Ricks, Lovi Poe, Chanel Olive Thomas, Sara Grace Kelley, Kylie Verzosa at Chie Filomeno.
Si Rabiya na nga kaya ang gustong maging forever ni Jake?
BINI, maraming bitbit na bagong ‘achievement’
Nakabalik na sa bansa ang tinaguriang Nation’s Girl Group, ang pinakasikat sa P-Pop group sa kasalukuyan, ang BINI na binubuo nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha at Sheena matapos ang kanilang month-long stay sa Los Angeles, California, USA para sa kanilang makasaysayang performance sa Coachella Music and Arts Festival in Indio, California, ang kanilang rare performance sa Grammy Museum maging ang kanilang pagtanggap ng prestihiyosong parangal mula sa Billboard’s Women in Music Awards kung saan sila ginawaran na Global Force Award bilang pagkilala sa kanilang ‘di mapantayang record hindi lamang bilang recording stars and concert stars kundi sa marming aspeto.
Ang BINI ay hindi lamang pride ng ABS-CBN at ng Star Magic kundi maging ng buong sambayanang Pilipinas.
Bukod sa all-male P-Pop group na SB19, kakaibang achievements and milestones ang nakuha at nasungkit ng BINI na hanggang ngayon ay patuloy sa pagtupad sa marami nilang mga pangarap.
- Latest




















