^

PSN Showbiz

Nanay ng actress, matindi ang pinagdaanang hirap kaya naging over acting sa anak

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Matindi ang pinagdaanang kahirapan sa buhay ng ina ng isang sikat na female personality. Nakapag-aral naman siya, pero dahil ‘yun sa kanyang pagsisikap, habang pumapasok siya ay sinasabayan niya ‘yun ng pagtitinda ng kahit anong makatutulong sa kanilang pamilya.

Bagsak-bangon ang nangyari sa kanyang hanapbuhay. Lumaki ‘yun, pero bigla ring bumagsak, kaya nagsarado na lang.

Kuwento ng aming source, “’Yun ang dahilan kung bakit parang naduwag na siya sa buhay. Ipinangako niya sa sarili niya na hinding-hindi na babalik sa hirap ang pamilya nila.

“Talagang hinahawakan niya nang pagkahigpit-higpit ang lahat ng mga biyayang iniaakyat sa family nila ng anak niyang sinuwerteng sumikat.

“Mula kasi nu’ng nag-artista na ang anak niya, e, hindi na sila napuputulan ng ilaw at tubig. Hindi na rin sila naghahanap ng kanilang kakainin. Naging maayos ang kabuhayan showcase nila,” pasakalye ng aming impormante.

Kung paano siya pinalaki ng kanyang mga magulang ay ‘yun din ang atakeng ginawa niya sa kanyang mga anak. Hindi puwedeng lumabas na kasama ang mga kaibigan. May takdang oras ang kanilang uwi.

Patuloy ng aming source, “Ganu’n na ganu’n ang ginawa niya sa mga anak niya, lalo na sa bunso nila na nangingitlog ng ginto. Bantay-sarado talaga siya. Hindi puwedeng lumabas nang siya lang.

“Pinaghigpitan niya talaga ang anak niya, parang literal na bilanggo, dahil ayaw niyang maligaw ng landas. Kaya lang, e, nakalimutan ni mommy na ibang-iba na ang panahon niya kesa sa anak niya. Napakalaki na ng pagkakaiba!

“’Yun ang reason kung bakit hindi niya pinahahawak ng pera ang anak niya. Ipon na ipon ang kinikita niya. Nasa business. Bagsak-bangon din ang pinapasok na negosyo ni mommy, sa totoo lang.

“Pero sana, sabi nga ng mga kaibigan nila, e, natutong makipag-compromise si mommy sa anak niya. Konting higpit, konting luwag, open din sana ang communication nila.

“Kaso, hindi nga ganu’n ang nangyari, kinapos siya sa tiwala sa anak niya. Pinaghigpitan niya nang sobra-sobra na hindi na makahinga ang anak niya.

“Ano tuloy ang nangyari? Naglihim sa kanya ang anak niya, may nagaganap na palang milagro, pero si mommy pa ang pinakahuling nakaalam.

“Kung maibabalik lang sana niya ang panahon, hindi sana siya nalusutan ng anak niya na nasa tamang age na para magdesisyon,” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Athena nagma-master na

Proud na proud na mga magulang ngayon sina dating Mayor Herbert Bautista at Mayora Tates Gana dahil ang kanilang panganay na si Athena ay nagma-masteral degree na ngayon sa New York University.

Pagkatapos niyang tumanggap ng diploma sa Ateneo sa kursong Political Science at kumuha rin siya ng Paralegal course sa University Of The Philippines nu’ng nakaraang taon ay nasa New York na si Athena at nagsusunog ng kilay.

Ang kursong kinukuha niya para sa kanyang masteral degree ay International Relation With Focus On International Law. ‘Yun ang master’s degree na kinukuha ng mga nakaupo ngayon sa United Nation.

Sa isang panahon na abalang-abala ang ibang mga kabataan sa kung anu-anong walang katuturang bagay ay sinikap ni Athena na magtapos ng kolehiyo.

Wasak ang puso ni Mayora Tates nang ihatid na nito ang kanyang panganay sa New York. Gustung-gusto nitong hilahin-pahabain pa ang panahon para matagal pa silang magsamang mag-ina.

Sabi ni Mayora Tates, “First time ito na malalayo sa amin si Athena. Mula nu’ng pagkabata niya, e, nand’yan lang kami ng papa niya sa tabi niya. Pero kailangan kong patibayin ang loob ko.

“Nangangarap ang anak ko, gusto niyang matupad ang pangarap niya, iyak ako nang iyak nu’ng iwan ko na siyang mag-isa sa New York.     

Ang sakit-sakit, pero worth naman ang reason kung bakit kailangan niyang mag-aral at mabuhay nang mag-isa sa New York,” pag-alala ng mommy ni Athena.

Minsan nang nakatikim nang maaanghang na salita ang dalaga mula sa ilang KathNiel fans nang isipin ng mga ito na may gusto siya kay Daniel Padilla na kasabayan niyang lumaki dahil magkaibigan ang kanilang mga pamilya.

Belat ang mga taong ‘yun dahil napakalayo ng pangarap ni Athena, ang mag-ipon ng diploma at hindi ang mang-agaw ng boyfriend ng may boyfriend, ang mapalawak pa ang kanyang talento na maglalagay sa kanya sa isang mataas na posisyon isang araw.

Congratulations, Athena, at maligayang bati kina dating Mayor Herbert at Mayora Tates sa pagkakaroon nila ng matalino at huwarang anak!

vuukle comment

ATHENA

HERBERT BAUTIST

TATES GANA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with