^

PSN Showbiz

Pamilya niCharice nagsisiraan

- Veronica R. Samio -

Hanggang ngayon ay madalas pa ring magpadala ng mensahe sa amin ang Nanay Tess ni Charice Pempengco. Siya ang ina ni Raquel na mommy naman ng magaling na young singer.

Masyadong apektado ang lola ni Charice sa ipinalabas na istorya ng kanyang buhay sa Maalaala Mo Kaya, isang linggo nang tapos ang pagpapalabas nun ay maligalig pa rin hanggang ngayon ang matanda, kung ano-anong text message ang ipinadadala niya sa amin na galing kuno sa kanyang mga tagasuporta.

Masakit ang mga salita, siguradong lalatay sa buong katawan ng kanyang anak na si Raquel, masyadong malalim ang galit niya sa ina ni Charice.

Hindi na lang namin sinasagot ang mga mensahe ni Nanay Tess, baka kasi kami na ang magkaroon ng problema sa bandang huli, dahil hindi na maganda sa panlasa ang mga salitang ipinatutungkol niya kay Raquel.

Ang kanyang panig ay nailabas na namin, naiparating na namin sa publiko ang kanyang mga sentimyento, siguro’y hindi na rin naman kami nagkulang ng pakikinig-pang-unawa sa kanyang mga saloobin.

Ang punto pa rin namin mula noon hanggang ngayon ay isa lang, sana’y maging maligaya na lang ang mga kadugo ni Charice sa kanyang tagumpay, nakakalungkot namang isipin na sa mga bansang pinupuntahan ni Charice ay binibigyan ito ng standing ovation ng mga banyaga pero sa kanyang mga sariling kadugo naman pala ay balewala ang kanyang tagumpay.

At mas magiging maganda siguro ang sitwasyon kung tatapusin na lang nila ng kanyang anak na si Raquel ang problema nang sila lang, maawa naman sana sila kay Charice, nagsisikap ang bata na mapaganda ang kanyang career pero meron namang mga taong nananakit sa kanyang damdamin.

* * *

May nagparating sa amin ng impormasyon na hindi ang youngstar na si Charie Pineda ang sangkot na third party sa paghihiwalay nina Mayor Sherwin Gatchalian at Pauleen Luna.

Ang malinaw na komento ng aming source, “Hindi si Mayor Win ang may type kay Charie, isang businessman yun na matagal siyang sinusuyo, hindi si Mayor Gatchalian ang nanliligaw sa kanya.”

Pumasok ang pangalan ni Charie Pineda sa eksena dahil madalas itong nakakasama ng mayor ng Valenzuela City, si Charie ang SK chairman sa aming barangay, kaya kapag may meeting ang mayor at ang mga kabataan sa aming lugar ay nagkakasama sila ni Charie.

May lumabas namang kuwento na masyado raw kasing selosa si Pauleen, kahit ano na lang daw ay pinagseselosan ng dalaga, kaya masyado nang narindi ang pulitiko.

Ang mga ganung kuwento ay puro kuwento-kuwento lang, mas gusto pa rin naming paniwalaan ang mismong sinabi sa amin ni Mayor Win, na ang totoong dahilan ng kanilang break-up ni Pauleen ay ang malaking agwat ng kanilang edad.

“Fifteen years ang age gap namin, I think it has something to do with that. May mga individual differences kami, we tried to save the relationship, but we didn’t succeed,” sabi ng mayor ng Valenzuela.

Sa mga nagtatanong naman sa amin kung bakit parang umiiwas si Pauleen sa mga repor­ters, sa pagkakilala kasi namin sa pamilya ng batang aktres ay masyado silang konserbatibo, lalo na ang kanyang amang si Eugene na ayaw na ayaw at malayo talaga sa kontrobersiya.

May nakapagsabi sa amin na nakiusap ang daddy ni Pauleen sa kanya na huwag nang masyadong magsalita pa tungkol sa isyu, hindi naman siguro masamang sumunod sa pakiusap ng magulang.

Pero si Manay Lolit Solis ang manager ni Pauleen, siguradong papayuhan pa rin nitong magsalita ang dalaga para matapos na ang isyu, hanggang wala nga naman kasing mga pahayag na nagmumula sa mga taong sangkot sa isyu ay patuloy na mauungkat ang kuwento ng kanilang paghihiwalay ni Mayor Gatchalian.

Hindi yun maiiwasan ni Pauleen, pampub­likong pigura ang dalaga, kaya sa ayaw at sa gusto ng kanyang pamilyang konserbatibo ay siguradong masasalang pa rin si Pauleen sa mga tanungan at sagutan.

vuukle comment

CHARICE

CHARIE

CHARIE PINEDA

KANYANG

PAULEEN

RAQUEL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with