Viral ‘wacky’ fotos ng House prosecutors sa Senado imbestigahan - Gatchalian

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Senate President Sherwin Gatchalian na imbestigahan kung tunay ang mga nag-viral na “wacky” photos ng House prosecutors na kuha sa loob ng session hall ng Senado at sa mga pasilyo nito, dahil hindi umano dapat pinapayagan ang ganitong mga gawain sa loob ng institusyon.
“Ang session hall at Senado ay sagrado dahil dito natin ginagawa ang marami sa ating mahahalagang batas at mahahalagang isyu, so dapat respetuhin natin itong institusyon na ito,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na inatasan na niya ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na suriin ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) upang tiyaking hindi gawa ng artificial intelligence (AI) at photo editing ang mga larawang kumakalat online.
“So pinapa-check ko sa CCTV, kasi ngayong uso ang AI, to be honest about it. I wanna make sure lang na hindi AI ‘yun, hindi ‘yung ginawa lang sa photoshop,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa ni Gatchalian, maglalabas siya ng opisyal na pahayag kapag nakumpleto na ang beripikasyon.
Tinanong din ang Senate President tungkol sa mga video na nagpapakita kina dating presidential legal counsel Salvador Panelo at isang vlogger na umano’y sumasayaw sa loob ng pasilyo ng Senado.
“Hindi naman tama na may ginagawa kang katawa-tawa sa loob ng ating institusyon,” ani Gatchalian.
Sinabi niyang kung mapapatunayang tunay ang mga insidente, magpapadala ang Senado ng liham at babala sa mga sangkot upang matiyak na mapananatili ang dignidad at respeto sa institusyon.
- Latest






















