Bastos ang mga fans ni Juday !
July 7, 2002 | 12:00am
Kung may mga tagahanga si Judy Ann Santos na nagpapairal ng kagandahang-asal at edukasyon ay marami ring tagahanga ang batang aktres na walang modo at bastos.
Ang akala siguro ng mga tagahanga ni Juday na nagpapadala ng mga bastos na mensahe sa amin sa text ay ikaaangat ng kanilang idolo ang mga ipinakikita nilang kabastusan, ang hindi nila alam ay sila mismo ang nagpapapangit at sumisira sa imahe ng kanilang idolo, dahil anumang kabastusang gawin nila ay kay Judy Ann ang repleksyon non.
Tuloy, sa kagagawan ng ilan lang namang bastos at walang modong fans ay nadadamay na ang kalahatan, ang madalas tuloy sabihin ngayon ng marami ay bastos ang mga tagahanga ni Juday.
Iilan lang naman ang bulok na mansanas sa basket at mas marami ang buo at malutong, pero dahil sa kagagawan ng ilan lang niyang tagahanga ay masasabi mo tuloy, bastos ang mga fans ni Juday.
Nakakaawa naman ang ibang tagahanga na hindi nambabastos, pati sila pinapangalanang bastos at walang edukasyon, dahil sa kagagawan ng kanilang ibang miyembro.
Tuloy ay napakasarap magkumpara, dahil sa aming trabaho bilang manunulat ay marami kaming artistang napupuna-napipitik sa aming trabaho, pero mula sa reaksyon ng kanilang mga tagahanga ay maaamuyan mo kung sinu-sino sa kanila ang may breeding at wala.
Kapag napipitik namin sina Jolina Magdangal, Claudine Barretto, Kristine Hermosa at Piolo Pascual ay nakakatanggap din kami ng mga reaksyon mula sa kanilang mga tagahanga.
Pero ang kanilang reaksyon ay nasa tamang puwesto, walang sinumang nambastos sa kanila, bukas ang kanilang isip sa katotohanang pampublikong pigura ang kanilang mga idolo, kaya kung pinupuri man ang mga ito ay hindi malayong mapitik din kapag nagkakamali.
Nung magkaroon kami nang matinding problema ni Piolo Pascual na plantsado na ngayon, minsan man ay wala kaming natanggap na bastos na mensahe mula sa mga fans ng guwapong aktor.
Ang palagi lang nilang sinasabi ay magkausap na sana kami nang masinsinan ni Piolo, para matagpian na ang kung anumang punit sa aming samahan.
Nung napipitik namin sina Jolina, Claudine at Kristine ay hindi rin lumalampas sa guhit ng kagandahang-asal ang mensahe sa text ng kanilang mga tagahanga, nagpapaliwanag sila, pero hindi nambababoy ng manunulat.
Tuloy ay magkakaroon ng ideya ang manunulat na siguroy pinaliliwanagan sila ng kanilang mga idolo na bahagi na ng showbiz ang mga bira at pitik.
Kapag bastos kasi ang tagasunod ay mabilis tayo sa pagbibigay ng paghusga na bastos din kasi ang amo, kaya ganun.
Parang relasyon din yan ng mag-ina na kapag bastos ang anak, ang repleksyon ay ibinabato sa magulang, ang paniwala natin ay pangit kasi ang pamamatnubay at pagpapalaki, kaya naging ganun ang bunga.
Hindi ikakarangal ng sinumang artista ang mga tagahangang bastos, ang idolo tuloy ang malalagay sa alanganin kapag bastos at walang modo ang mga fans, dahil tiyakang sasabihin ng marami na kaya ganun kababastos ang tagahanga ay ganun din kasi ang nakikita nila sa kanilang idolo.
Ang pagmamahal sa idolo ay hindi nagsisimula at nagwawakas sa pagpalakpak at pagtili lang, ang tunay na sukatan ng pagmamahal ng tagahanga sa kanyang idolo ay nakikita sa kung paano nilang nirerespeto ang mga taong nakapaligid sa trabaho ng kanilang hinahangaan.
Nasa gitna na nga ng problema ang kanilang idolo ay makikidagdag pa sila, kaya anong resulta ang kauuwian ng sitwasyon, di lalo lang nagiging kumplikado ang problema?
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
Latest
Recommended
























