Proyekto nila, utang natin!
Maganda ang pangakong kaunlaran. May bagong proyekto, modernisasyon at imprastrakturang ipinagmamalaki. Pero teka muna! Bago tayo pumalakpak, dapat malaman ng mga taga-Bacolod kung magkano ang halaga nito at hanggang kailan nila babayaran.
Ito ang hinaing ng ilang grupo ng simbahan, organisasyong sibiko at mamamayan: Nasaan na ang linaw sa bilyun-bilyong pisong utang ng Bacolod?
Ayon sa kanilang panawagan, umaabot sa P2.1 bilyon ang sampung-taong kasunduan para sa proyektong Super City, bukod pa sa iba pang pautang at obligasyon ng lungsod.
Mas mabigat isipin na mahigit P560 milyon ang nakalaang pambayad sa principal at interes ng mga utang sa susunod na taon. Pera rin sana ito para sa ospital, paaralan, ayuda, drainage at iba pang serbisyong araw-araw na kailangan ng mga Bacolodnon.
Kaya dapat kumilos at magsagawa ng masusing pagsusuri ang Commission on Audit. Ilabas ang mga kontrata, interes, iskedyul ng bayaran at tunay na progreso ng mga proyekto. Hindi sapat ang pangakong kaunlaran. Karapatan ng publiko ang malinaw na sagot!
Hindi kalaban ang mga konsehal at mamamayang nagtatanong. Hindi nila kailangang manahimik para lang hindi masabing kontra sila sa proyekto. Pera ng bayan ang pinag-uusapan, kaya dapat bukas ang lahat sa pagsusuri.
Ang pinakakinatatakutan ng mga residente ay baka sa bandang huli, kapos na ang pondo para sa kanilang pangangailangan dahil inuuna ang pagbabayad sa mga utang. Ang mahihirap na pamilya ang posibleng unang makaramdam nito, pati ang susunod na henerasyong magmamana ng obligasyong hindi naman nila pinakinabangan.
Hindi masama ang mangutang kung may tunay na pakinabang. Pero kung bilyon-bilyon ang obligasyon, nararapat lamang na ipaliwanag kung saan napunta ang pera at ano ang konkretong resulta.
Ang sigaw ng mga Bacolodnon ay simple: Huwag puro proyekto at pangako. Ipakita ang resibo, ilahad ang tunay na gastos at patunayan na may pakinabang ang bawat pisong ginagastos!
Dahil hindi dapat maging panandaliang papuri sa mga nakaupo ang proyekto, habang pangmatagalang utang naman ang pasan ng taumbayan. Proyekto nila ngayon, pero baka utang nating lahat bukas!
DISCLAIMER: Ang komentaryong ito ay batay sa mga impormasyong inilabas sa publiko at sa panawagan ng mga organisasyong sibiko. Layunin nitong ilahad ang hinaing ng mamamayan at igiit ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Hindi ito paratang ng krimen laban sa sinumang indibidwal. Ang mga alegasyon ay nararapat dumaan sa patas at wastong pagsusuri ng mga kinauukulang awtoridad.
- Latest















