‘Huli Week 2026’ program ni Gen. Baccay, matagumpay!
“HULI man daw at magaling, ay maihahabol din!”
Itong matandang kasabihan mga kosa ay angkop sa anti-crime program ni PRO4-A director Brig. Gen. Dominic Baccay na tinagurian n’yang “Huli Week 2026.”
Kung may tauhan si Baccay na mahigpit na nagbabantay ng sementeryo, memorial parks at columbaria nitong Undas, mayroon ding abala sa pagwalis sa kalsada ng mga kriminal, lalo na ang mga wanted persons. At nagtagumpay naman ang programa n’ya.
Dahil umabot sa 301 wanted persons ang nakalap sa Batangas, Quezon, Cavite, Laguna, at Rizal at karamihan sa kanila ay hindi sa sementeryo nag-Undas, kundi sa kulungan. Get’s n’yo mga kosa?
“Walang holiday ang batas, at hindi rin tayo titigil sa pagtupad sa ating mandato. We will continue to pursue wanted persons wherever our operations may lead us and ensure that they face the full extent of the law,” ang pahayag ni Baccay. Mismooooo! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ipinatupad ng Calabarzon police ang programang “Huli Week 2026) mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 2, na All Souls’ Day.
Ayon kay Baccay, ang programa ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP upang matunton at maaresto ang mga indibidwal na may hinaharap na arrest warrants sa panahon ng Undas, kung saan t’yak pa-relax-relax pa sila.
ipinatupad ito, ani Baccay, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong Calabarzon, alinsunod sa Focused Agenda ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. at sa BEST program ng command.
Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 109 ang Most Wanted Persons (MWPs), habang 192 naman ang Other Wanted Persons (OWPs).
Naitala ng Laguna Police Provincial Office ang pinakamataas na bilang ng mga pag-aresto na may 74, sinundan ng Rizal PPO na may 72, Cavite PPO na may 66, Batangas PPO na may 56, at Quezon PPO na may 33. Wow na wow!
Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ilan sa mga significant accomplishments ng “Huli Week 2026” ay ang pagkakaaresto sa Cavite kay alyas “Rod”, na may kasong statutory rape; alyas “Don”, sa kasong murder; alyas “Mark” sa kasong statutory rape at acts of lasciviousness; alyas Manok sa kasong droga, alyas “Joey” sa kasong carnapping.
Pinuri ni Baccay ang kanyang mga tauhan “for a job well done.”
Mga kosa ko d’yan sa Calabarzon, kapag may wanted persons sa kapaligiran n’yo, i-report kaagad kay Baccay at t’yak action kaagad ito. Abangan!
- Latest

















