Flocerfida (390)
NANG magkasarilinan sina Dang at Ericko, tinanong ng dalaga ang binata kung bakit hindi pinagtapat na mayroong hinahanap na mga kapatid.
“Sana pinagtapat mo sa akin para natulungan kitang hanapin sila. Maari akong mag-search sa FB.”
“Hindi ko sinabi sa iyo dahil alam kong marami ka ring iniisip. Sabi ko sa sarili, sa ibang pagkakataon ko na babanggitin sa iyo. Ayaw kong makadagdag sa isipin mo.”
“Kung ako nga natulungan mong lumipat sa iyong bahay, maaari rin kitang tulungan sa paghahanap sa mga kapatid mo.”
“Salamat Dang.”
“Sana makontak ni Tito Kikoy ang sinasabi niyang kaibigan sa Pinamalayan para mapuntahan agad natin ano?”
“Oo. Sasama ka?”
“Oo.”
“Malayo yata ang Mindoro, ano Dang?”
“Sa may Batangas ‘yun.”
“Tatawid ng dagat ano?”
“Palagay ko. Masarap sigurong sumakay sa barko ano?”
Tumango si Ericko.
MAKALIPAS ang ilang araw, may natanggap na balita si Kikoy mula sa kanyang kaibigan sa Pinamalayan. Mayroon nga raw magkapatid na nagtitinda sa palengke ng Pinamalayan na tumutugma sa deskripsiyon ni Ericko.
Hindi mailarawan ang saya sa mukha ni Ericko sa natanggap na balita.
“Kapag nakumpirma natin na sila nga ang mga kapatid mo, pupunta tayo ng Pinamalayan.”
“Salamat Tito Kikoy.”
“Basta manalangin ka lang at sigurado, matutupad iyon. Walang imposible sa Diyos,” sabi ni Kikoy. (Itutuloy)
- Latest















