‘Nail cutter’ (Part 1)
NASA high school pa lamang ako ay ugali ko nang magdala ng nail cutter sa aking bulsa. Nakasanayan ko nang mag-ipon o mangulekta ng nailcutter. Kapag nakakita ako ng nail cutter sa bangketa ay hindi ako mapakali hangga’t hindi nakakabili. Hangggang sa dumami nang dumami ang aking koleksiyon.
Takang-taka ang aking mga magulang sa nakahiligan kong pag-iipon ng nail cutter.
“Ano ang gagawin mo sa nail cutter, Arturo? Halos mapuno na ang drawer ng cabinet natin,” tanong ni Mama.
“Basta iniipon ko, Mama. Baka pagdating ng araw ay may bumili ng mga ‘yan.”
“Kakalawangin ‘yan,’’ sabi ni Papa.
“Hindi naman po siguro.”
“Sana nga e may bumili pagdating ng araw,” sabi Mama.
“May magagawa po sa akin ang mga nail cutter pagdating ng araw,” sabi ko.
Nang nasa kolehiyo na ako, patuloy pa rin ang pangungulekta ko ng nail cutter. Kapag may nadaanan ako sa bangketa na nagtitinda ng nailcutter, bumibili ako ng isa.
Hanggang sa maipon nang maipon ang mga nailcutter.
Nang makatapos ako sa kolehiyo at makapagtrabaho sa Saudi, ang pangungulekta pa rin ng nail cutter ang naging libangan ko. (Itutuloy)
- Latest















