Marikina, pumalpak sa timing
Kung may award sa pinaka-walang timing na road work, puwedeng isama sa listahan ang eksena sa Marcos Highway corner Mayor Gil Fernando Avenue, Marikina City, noong Miyerkules ng hapon (September 2), dahil karamihan ng dumaan sa kalsadang ito going to Kyusi ay tumaas ang ‘highblood.’
Bakit? Grabe as in grabe ang traffic dito dahil rush hour. Dagsaan ang sasakyan. Mga empleyadong nagmamadaling pumasok sa shifting nila sa trabaho. Mga parents na susundo sa school ng kanilang mga anak, mga jeep, bus, motorsiklo at pribadong sasakyan na halos gumapang sa kalsada na walang magawa. Tapos makikita lamang nila na nagpipintura ng pedestrian lines kaya ganito ang delubyo sa kalye.
Walang masama sa pagmamantini at pagpapaganda ng kalsada. Kailangan talaga ’yan. Pero sana kasama rin sa plano ang timing at epekto sa publiko. Bakit hindi ito iniskedyul ng 12 midnight hanggang 4 a.m., kapag mas kaunti ang sasakyan, bakit hindi doon isagawa?
Oo, kailangan magbayad ng overtime sa mga gagawa. Pero hindi ba mas makatuwiran iyon kaysa ipitin ang libu-libong motorista at manggagawang naghahabol ng oras?
‘Yung empleyado, late. ‘Yung driver, kumukulo ang dugo. ‘Yung commuter, ubos ang oras. At ang simpleng road work na dapat sana’y walang malaking abala, nagiging dahilan tuloy para magkandaleche-leche ang daloy ng trapiko.
Kaya hindi nakapagtatakang may mga nagtatanong. Pinta lang ba talaga ito, o kailangan talagang gawin sa oras na maraming makakakita?
At dahil papalapit ang halalan, may ilan ding mapapaisip - “Gimik pang-eleksyon na ba ’to?”
Hindi natin sinasabing ganoon nga. Pero natural lang na magtanong ang publiko kapag ang isang gawaing puwede namang gawin sa off-peak hours ay isinasagawa sa oras na pinakamaraming motorista ang nasa kalsada.
Ang tunay na serbisyo, hindi lang magandang tingnan sa litrato. May timing. May pagpaplano. May malasakit. Ang gusto nila: makapasok sa trabaho nang hindi nasasayang ang oras sa trapik.
Kaya sa susunod, bago magpintura, sana isipin muna - “Makakatulong ba ito sa tao, o lalo lang silang maiinis?” Serbisyo dapat ang ramdam—hindi perwisyo.
DISCLAIMER: Ang artikulong ito ay isang opinyon at komentaryo batay sa obserbasyon at hinaing ng mga motorista at commuters. Hindi ito naglalayong magparatang ng anumang ilegal na gawain sa sinumang indibidwal o tanggapan. Ang mga tanong at puna ay inilalahad upang hikayatin ang mas maayos na pagpaplano at transparency sa mga gawaing pampubliko.
- Latest















