‘Tagpi’ (Part 5)
ISANG Sabado, kasama ko si Tagpi nang magtungo sa ilog para kumuha ng suso, kuhol at tulya para iulam namin. Hindi sumama si Brent sapagkat masama ang pakiramdam. Sabi ni Inay sa akin, huwag daw akong magtatagal. Kapag nakakuha na raw ako ng isang tabo na suso at kuhol ay umuwi na ako parta maluto na ang mga iyon.
Pagdating namin ni Tagpi sa ilog ay tamang-tama ang lalim. Mabilis makita at makuha ang mga suso, kuhol at tulya. Habang namumulot ako ng suso at kuhol, nasa pampang si Tagpi at nakaabang sa akin. Nagmamasid ito na parang guwardiya.
Nakapulot na ako ng isang tabo ng suso at kuhol. Aakyat na ako sa pampang para umuwi nang biglang dumilim ang kapaligiran.
Kasunod ay ang paglakas ng agos ng tubig. Sa isang iglap ay nagkulay gatas ang tubig sa ilog.
Rumagasa ang malakas na agos. Halos tangayin ako.
Nagmamadali akong tumakbo sa pampang subalit nadapa ako. Nabitawan ko ang tabo na may mga suso at kuhol.
Hanggang tinangay na ako ng agos. Hanggang dibdib ko na ang tubig! Tinangay ako nang malakas na agos! (Itutuloy)
- Latest




















