Alice Guo, olats sa unang sultada sa korte!
Si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo ay isang Chinese citizen! Period! Tinuldukan ni Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu ng Manila RTC Branch 34, ang matagal ng bangayan tungkol sa citizenship ni Guo, na nakakulong sa ngayon dahil sa samu’t saring kaso.
Sa desisyon na ipinalabas ni Hidalgo-Bucu noong June 27, sinabi niya na ang mga ebidensiya na isinumite ng Office of the Solicitor General (OSG) ay nagpapatunay na itong si Guo at si Guo Hua Ping ay iisa. Araguyyy!
Sinabi ni Usec. Gilbert Cruz ng PAOCC, na ang mabilis na desisyon ni Judge Hidalgo-Bucu sa kaso ay isang tagumpay ng gobyerno ni President Bongbong Marcos laban sa POGO at organized crime groups.
Ayon kay Cruz, hindi sila magtatagumpay sa paghabol kay Guo kung walang suporta mula sa OSG, Department of Justice, Anti-Money Laundering Council at mga law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
“Ipinakita lang ng victory na ito na kapag nagkakaisa ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay walang imposible,” ani Cruz. Mismooo! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sa kanyang decision, binigyang-diin ni Hidalgo-Bucu ang testimonya ni Dr. Alfredo Kahanding, ang fingerprint expert ng NBI. Kinumpara ni Kahanding ang fingerprints ni Guo Hua Ping sa kanyang Alien Fingerprint Card noong March 25, 2005 at sa biometric printout ng fingerprint ni Alice Leal Guo sa transaction date on file noong March 10, 2021 sa NBI Information Communication and Technology Division at sa PNP CIDG form na kinuha sa airport matapos mahuli si Guo sa Indonesia.
“The court admitted in evidence the expert opinion of NBI witness, Dr. Kahanding that the three (3) sets of specimen fingerprints are identical; that the same were affixed by one and the same person; and that Alice Leal Guo is Guo Hua Ping,” ayon kay Hidalgo-Bucu. Dipugaaa!
Sa parte ni Guo, nagsumite ito ng Certificate of Live Birth sa pangalang Alice Leal Go subalit ibinasura ito ng korte. Tsk tsk tsk! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Dahil napatunayan na si Guo ay isang Chinese citizen, nagpasya ang korte na ito ay walang karapatang maging mayor ng Bamban, at lalong disqualified itong tumakbo sa kahit anong posisyon tuwing election.
“Such being the case, respondent Guo Hua Ping aka Alice Leal Guo is nothing more but a usurper of the Office of the Mayor of Bamban, Tarlac,” anang decision ng korte. Binura na ng korte ang records ni Guo sa pagkapanalo niya bilang mayor ng Bamban, Tarlac noong 2022 elections. Araguyyy!
Hindi naman nag-seek ng reelection si Guo nitong nagdaang May midterm elections dahil nakakulong na siya dahil sa sangkaterbang kaso na isinampa laban sa kanya. Sanamagan! Teka, teka, may mga akusasyon pa na itong si Guo ay Chinese spy, may sapat na ebidensiya na kaya sa anggulong ito? Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!
Si Guo ay inaresto matapos ma-raid ng PAOCC, PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno ang POGO operations niya sa Bamban, Tarlac. Libu-libong foreign at Filipino workers, na umano’y sangkot sa samu’t saring online scams, ang inaresto at nakumpiska rin ang sangkatutak na gadgets. Abangan!
- Latest















