Pamahiin tungkol sa kamatayan at paglilibing
• Masamang senyales ang panaginip na nalaglag ang mga ngipin dahil ang ibig sabihin nito ay may kamag-anak na mamamatay. Upang hindi magkatotoo, pagkagising ay magmumog ng tubig at ibuga kaagad ito. O kaya, kumagat sa halaman upang ito ang mamatay.
• Noong araw, ang kabaong ay binubuksan bago ipasok sa nitso upang masilayan ng mga kamag-anak sa huling sandali ang namayapang mahal sa buhay. Ngunit mahigpit ang bilin na hindi dapat itong matuluan ng luha upang hindi mahirapang umakyat sa langit ang kaluluwa.
• Ingatan din na mabasag ang salamin ng kabaong upang wala nang sumunod na mamamatay.
• Wala dapat na matirang pagkain sa bahay ng pinagburulan. Dapat itong ipamigay sa mga kapitbahay at mga nakiramay. Ito ang isang pamahiin na tuwing maaalala ko ay nakapagpapangiti sa akin. Noong may namatay akong tiyahin, pagkalabas ng kabaong sa bahay ay sinimulang ipamigay ang pagkain. Pagkatapos ng libing, gutom na gutom ang mga nakilibing mula sa sementeryo. Kailangan pang mag-order ng pagkain nang ura-urada sa malapit na pansiteriya.
• Ang buntis ay hindi dapat pumunta sa burol dahil mahihirapan itong manganak.
• Ang may matagal nang sakit ay hindi rin dapat bumisita sa burol dahil pinaniniwalaang lalo lang magiging malala ang karamdaman nito. Kahit sa Feng Shui ay binabanggit din ito. “Stagnant energy” ang kapaligiran ng pinagbuburulan kaya’t lalo itong magpapalala sa kalagayan ng maysakit.
• Ang abuloy na ibibigay pagkatapos ng libing ay hindi dapat tanggapin dahil senyales ito na may susunod pa.
• Iwasang mauntog o ibangga ang kabaong kapag ilalabas na ito sa pintuan ng bahay. Baka raw may sumunod pang ilibing sa pamilya.
- Latest



















