Puwede bang pilitin na mag-OT ang mga employee?
Dear Attorney,
Maari po bang na mag-impose ang kompanya ng mandatory overtime para sa mga trabahong hindi natatapos dahil sa dami ng customers? – Ric
Dear Ric,
Sa ilalim ng batas, hindi maaring pilitin ng employer ang kanyang mga empleyado na mag-overtime o ang magtrabaho ng higit sa walong oras sa loob ng isang, bukod na lang kung ang trabaho na kailangang i-overtime ay pasok sa tinatawag na “emergency overtime work” na mababasa sa Article 89 ng ating Labor Code.
Maari lamang pilitin ng employer ang kanyang mga empleyado na mag-overtime kapag may mga emergency na katulad ng: (1) digmaan o national emergency; (2) lokal na kalamidad kung saan kailangan ang pag-o-overtime ng mga empleyado upang maisalba ang buhay ng mga tao, maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko; (3) mga pagkakataon na kailangan ng agarang pagkukumpuni sa mga makinarya at iba pang mga kagamitan upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng employer; (4) mga pagkakataon na kailangan ang overtime upang maiwasan ang pagkasira ng mga perishable goods; at (5) mga pagkakataon na kailangang tapusin ang trabahong nasimulan na sa ikawalong oras ng trabaho upang maiwasan ang perwisyo sa negosyo o operations ng employer.
Sa madaling sabi, maari ninyong tanggihan ang utos sa inyong mag-overtime kung wala naman sa mga nabanggit ang dahilan ng pagpapa-overtime sa inyo. Kailangan n’yo nga lang suriing mabuti ang dahilan ng utos sa inyong mag-overtime at siguraduhing hindi ito pasok sa mga nabanggit. Kung nagkataon kasing hindi niyo sinunod ang inyong employer kahit may sapat naman palang dahilan ang utos para kayo ay mag-overtime, maaring sabihin na kayo ay guilty ng insubordination o pag-suway sa employer kaya maari kayong patawan ng disciplinary action, kabilang na ang posibleng termination o pagkakatanggal sa trabaho.
- Latest















