EDITORYAL — Safe Media Access and Responsible Technology for Kids Act
Pasado na ang Senate Bill No. 2424 (Safe Media Access and Responsible Technology for Kids) in Digital Spaces (SMART KIDS) Act. Layunin nitong higpitan ang mga kabataang edad 18 pababa na maka-access sa social media at iba pang “high-risk digital services.” Ang may-akda ng panukala ay si Senator Robin Padilla.
Sa ilalim ng panukala, ipinag-uutos na suspendihin o alisin ang mga account na pag-aari o ginagamit ng mga menor-de-edad. Mahigpit ding ipinagbabawal ang paglikha ng accounts at nararapat na ito ay may platforms na nagre-require nang totoong edad o age-assurance measures.
Madaling maintindihan kung bakit suportado ng marami ang ganitong hakbang. Totoo ang panganib ng online scams, bullying, grooming, mapaminsalang content at iba pang uri ng pananamantala sa mga bata.
Pero total ban nga ba agad ang pinakamabisang paraan para protektahan sila? Dahil hindi pare-pareho ang pangangailangan ng isang 10-anyos at isang 17-anyos.
May mga kabataang gumagamit ng social media para sa pag-aaral.
May working students na ginagamit ito para kumita. Para naman sa mga pamilyang magkakalayo, kabilang ang may magulang na OFW, social media ang isa sa pangunahing paraan para manatiling konektado.
May ilan ding kabataang dito nakakahanap ng suporta at lakas ng loob na humingi ng tulong kapag nakaranas ng pang-aabuso.
Imbis na isang blanket restriction para sa lahat ng wala pang 18, mas mainam na ang mga mas bata ay dapat magkaroon ng mas limitadong access.
Habang tumatanda, maaari silang bigyan ng mas malawak na paggamit kasabay ng digital literacy, gabay ng magulang at malinaw na paraan para mag-report ng harmful content.
Ito rin ang puntong binibigyang-diin ng mungkahing tiered restrictions sa halip na total ban.
Hindi rin dapat sa bata at magulang lamang ibuhos ang responsibilidad. Kailangang obligahin ang social media companies na gawing mas ligtas ang kanilang platforms at mas mabilis tugunan ang mapanganib na content.
May problema rin sa pagpapatupad.
Maaaring humanap lamang ng paraan ang mga kabataan para lampasan ang restriction, habang ang age verification mismo ay maaaring magdulot ng privacy concerns.
Ang layunin ay dapat gawing mas ligtas ang mga bata online, hindi basta alisin ito sa mundong bahagi na rin ng kanilang pag-aaral at pakikipag-ugnayan.
- Latest

















