^

Punto Mo

Harapin ang 2021 nang may pag-asa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SUNUD-SUNOD ang mga nangyaring trahedya sa Pilipinas sa taong 2020: Bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan, at pagtama sa atin ng COVID-19 na sa ngayon ay Pilipinas na ang may pinakamalubhang kalagayan sa Southeast Asia. Dahil dito, marami sa atin ang sabik na sabik na salubungin ang 2021 upang makawala sa 2020 na isang taon ng trahedya.

Noong 2019, marami ang umasa na ang 2020 ay magiging isang napakagandang taon, sapagkat magiging malinaw ang mga pangitain dahil kung baga sa paningin, ang 2020 ay may 20/20 vision na normal na vision. Ngunit kabaliktaran ang nangyari, sa taong ito’y hindi lamang lumabo ang pangitain, kundi maraming pangitain ang nawasak. Sa taong ito’y hindi na “normal” ang pinag-uusapan, kundi “new normal.”

Ano ang naghihintay sa atin sa 2021? Sa mga negative thinkers, ang nakikita’y lalo pang paglaganap ng kahirapan. Naka-survive ang marami sa taong ito dahil sa mga naipon nang nagdaang mga taon. Ngunit dahil naubos na ang mga naipon, magpapasimula ang marami sa 2021 na walang-wala. 

Gayunman, sa mga positive thinkers, ang nakikita’y  ang pagsisimula ng pagtaas dahil narating na natin ang tinatawag na “rock bottom.” Sinumang nakarating sa “rock bottom” ay magsisimulang magtiwala sa kanyang sarili at hanapin ang kanyang patutunguhan. Mahalaga ang positibong pagtanaw sa magiging kalagayan ng ating emosyon.  Halimbawa: kung ang tingin mo sa isang baso na kalahati ang laman ay “mauubos na ang laman,” makadadama ka ng lungkot at hina ng loob.  Pero kung ang tingin mo sa isang baso na kalahati ang laman ay “mapupuno na ang laman,” makadadama ka ng saya at lakas ng loob. 

 

Mahalagang dala-dala natin ang positibong pagtanaw sa 2021 at ang pagtitiwala sa ating sarili at kapwa. Sa Chinese calendar, ang 2021 ay tinatawag na “Year of the Ox.”  Ang ox o baka ay maaasahan, matiyaga, kalmado, at masipag.  Ito’y mga katangiang maghahatid sa atin sa tagumpay sa anumang panahon.

Ngunit bago pa man ang pagtitiwala sa sarili at sa kapwa, ang pangunahin ay ang pananampalataya sa makapangyarihang Diyos na Siyang may hawak at nakaaalam ng kinabukasang hindi natin nalalaman. May magandang depinisyon ang Hebreo 11:1 tungkol sa pananampalataya.  Ganito ang wika, “Tayo’y may pananampalataya kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Umasa tayo at magtiwala na may magandang mangyayari sa atin sa 2021, at sa biyaya ng Diyos ay mangyayari nga iyan. Ang tawag diyan ay pananampalataya.  Maniwala tayo sa mga bagay na di natin nakikita. Maraming bagay na hindi kayang makita ng ating naked eyes, ngunit kayang makita ng ating spiritual eyes. Wika sa 2 Corinto 5:7, “Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita.” Limitado ang nakikita ng ating mga mata, ngunit walang hanggan ang kayang makita ng ating pananampalataya. Sabi nga ni Hesus sa Marcos 9:23, “Mapangyayari ang lahat sa may pananalig.”

Pagtitiwala sa sarili at sa kapwa; at pananampalataya sa Diyos — kailangan natin ito hindi lamang para mag-survive, kundi para makabangon sa 2021 at maangkin ang magandang plano ng Diyos na Kanyang inihayag sa Jeremias 29:11, “Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap.”

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with