Gamot sa pagkasugapa sa alak
MARAMING klase ng mga manginginom ng alak. Una diyan siguro iyong tinatawag na social drinker na umiinom lang kapag merong okasyon tulad marahil sa mga kaarawan, Pasko, Bagong Taon, anibersaryo, kasalan, reunion at iba pa bagaman. Nariyan din iyong katamtaman lang kung uminom (mild drinker), may kontrol sa sarili na sapat na sa kanila ang tatlo o apat na bote ng beer o dalawang shot ng matapang na alak. Meron namang napapainom kapag nayayaya ng mga kaibigan o barkada.
Nariyan din iyong tinatawag na sugapa sa alak na halos araw-araw umiinom hanggang magdamagan na para bang mauubusan ng alak o halos ginagawa na itong tubig na kahit pagkagising sa umaga ay ito na ang hinahanap. Iyong iba naman, sa tindi ng problemang naranasan ay pag-inom ng alak ang napagbalingan para raw makalimot bagaman kinabukasan pagkaraang malasing ay balik pa rin iyong problema. Nariyan din iyong kahit sa oras ng trabaho ay umiinom o pumapasok nang lasing o may hangover pa pagdating sa trabaho o kaya napapabayaan na ang pamilya dahil sa kabababad sa inuman.
Kabilang ang alak sa mga bisyong mahirap mapigilan kapag nakasanayan ng isang tao lalo na kung mula sa pagka-tinedyer pa lang hanggang sa pagtanda ay nakahiligan na at naging bisyo ang madalas na paglalasing. Pero batid naman ng halos lahat ng tao sa mundo ang masamang epekto ng alak sa kalusugan kaya marami rin naman ang naghahanap ng lunas para mahinto o makontrol ang kanilang bisyo. Mayroon pa ngang isang pandaigdigang orga-nisasyong tinatawag na Alcoholic Anonymous na tumutulong sa mga sugapa sa alak sa paglutas sa kanilang problema sa espiritu nito. Pero may mga tao rin namang nagagawang maiwaksi nang tuluyan ang alak nang hindi na kailangan ng tulong ng iba.
Mayroon nga bang gamot sa pagkasugapa sa alak? Kamakailan ay may lumabas na wire report hinggil sa bagong ebidensiya ng ilang grupo ng mga researcher sa France na sumusuporta sa isang gamot na sinasabing miracle cure sa alcoholism. Tinukoy dito ang gamot na tinatawag na baclofen na meron umanong positibong epekto ang madaas na dosage para mabawasan ang pagkonsumo ng alak sa isang taong gamutan.
Noon daw 2012-2013, may isa ring ineksperimentong gamot na tinatawag na Bacloville. Nasa 57 porsiyento ng mga taong isinailalim sa eksperimento ang tuluyang tumigil sa pag-inom o umiinom na lang nang katamtaman. Sa pangalawang pag-aaral na tinatawag na Alpadir at iniulat may isang linggo na ang nakakaraan ang nagsabing marami ang nagbawas sa pag-inom ng alak.
Ang baclofen daw ay orihinal na ginawa para sa paggamot sa muscle spasm pero nagbigay ng provisional approval noong 2014 ang French health authorities para magamit itong panlunas sa alcoholism.
Pero meron din daw ibang mga eksperimento na nagpapahiwatig na baliktad ang nangyayari na ibig sabihin ay wala itong epekto sa mga manginginom tulad sa pag-aaral ng ilang Dutch researcher noong nakaraang taon na mas maigi pa raw ang counseling kaysa sa naturang gamot. Iresponsable anila ang pagrereseta ng naturang gamot nang walang pruweba sa epekto nito.
- Latest
















