Tres Queridas (13)
HINDI makatulog si Diana. Paulit-ulit sa kanyang isipan ang mga numerong 2-5-6-4. Dahil naroon pa naman sa kanilang bahay ang kanyang nakababatang kapatid na si Dani, nagpaalam siya rito at inihabilin muli ang anak na si Mateo.
Sa kalagitnaan ng gabi, pumara ng taxi si Diana pabalik ng St. Peregrine Apartments. Pag-akyat sa 4th floor, dahan-dahang isinaksak ni Diana ang susi sa doorknob ng Unit 402. Hindi niya tuluyang binuksan ang pinto. Sumilip muna siya kung may tao sa loob.
Napasinghap si Diana nang makitang tama ang hinala niya. May lalaking nakayuko sa harap ng filing cabinet. Halos bumigay ang tuhod niya sa kaba dahil tila si Carlo ito. Matangkad at kulot ang buhok. Nakatalikod ito kaya hindi niya makita ang mukha.
“Carlo?!” bulalas niya sabay bukas ng pinto.
Tumayo ang lalaki at humarap sa kanya. Hindi ito si Carlo. Hanggang may pumasok na babae, si Celeste! Mukhang kasama nito ang lalaki.
“Celeste?” sabi ni Diana. “What are you doing here at this hour?”
“Ikaw din, anong ginagawa mo rito?” sagot ni Celeste. Tinitigan ni Diana ang lalaking kasama ni Celeste. “Sino siya?”
“He’s Anton. Private investigator ko siya,” sagot ni Celeste. “Someone took our picture earlier, Diana! I’m not going to sit around waiting for those thugs to come after us. Pinabubuksan ko ang locked drawers.”
Tumango lang si Diana. Tiningnan niya ang filing cabinet na may 4-digit combination dial lock, ang drawer na sinusubukang buksan ng private investigator.
“Mahihirapan po tayo rito, Ma’am,” sabi ng imbestigador kay Celeste. “Heavy-duty ‘tong lock.”
Nainis si Celeste. “Galingan mo! Mahal ang bayad ko sa’yo!”
Habang nag-iisip ang imbestigador, lumapit si Diana sa cabinet. Hinawakan ang metal na dial lock. Pinaikot ang mga numero: 2... 5... 6... 4. KLIK. Bumukas ang lock. (Itutuloy)
- Latest




















