Scam hub sa Cavite resort ni-raid: 4 Korean timbog

SILANG, Cavite, Philippines — Apat na Korean national ang inaresto habang nasamsam ang iba’t ibang kagamitang pang-komunikasyon at dalawang sasakyan sa ikinasang pagsalakay ng pulisya laban sa hinihinalang scam hub sa bayang ito noong Nobyembre 23, 2026.
Sa ulat, ni-raid ng pinagsanib na puwersa ng Silang Police, Police Intelligence Unit ng Cavite Police Provincial Office at Bureau of Immigration (BI) Region 4A ang Apple Mango Resort sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Lalaan 1, alas-8:00 ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na pawang Korean national na nasa hustong gulang na sina Sang Oh, Hyeong Jun Park, Jung Ho Kim, at Lee Sang Ouk.
Nag-ugat ang operasyon sa natanggap na impormasyon na ginagamit umano ang nasabing resort bilang sentro ng scam at phishing activities.
Agad na nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad kaugnay sa natanggap na ulat na cyber-enabled scam operation sa Gen. Trias at nakipag-ugnayan sa BI bago isinagawa ang pagsalakay.
Narekober mula sa lugar ang walong computer monitor, apat na central processing unit (CPU), walong cellular phone, dalawang safety vault, dalawang sasakyan, isang Kia Carnival at isang isang Kia Creta.
Sasailalim ang mga nakumpiskang kagamitan sa masusing pagsusuri at dokumentasyon upang matukoy ang kaugnayan nito sa ilegal na operasyon.
- Latest



















