2 sundalo dedo sa Maguindanao ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang dalawang sundalo na magkaangkas sa motorsiklo nang tambangan at pagbabarilin ng armadong grupo sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, may dalawang buwan matapos na mapatay rin sa kaparehong pag-atake ang dalawang kapwa Army personnel sa nasabing lalawigan nitong Martes.
Ayon sa mga opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) at Philippine Army’s 6th Infantry Division sa mga mamamahayag kahapon, ang mga nasawing sundalo ay kinilalang sina Pvt. Egie Boy Buta at Pvt. Jay-Ar Nacin Gregorio, kapwa nakalataga sa 40th Infantry Battalion ng Army.
Sa imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police, sina Buta at Gregorio ay magkasamang sakay ng motorsiklo at patungo sa Cotabato City nang bigla silang paulanan ng mga bala ng mga hindi kilalang suspek gamit ang mga pistol pagsapit nila sa highway ng Barangay Crossing Simuay sa Sultan Kudarat.
Isa sa mga biktima ang idineklarang dead-on-arrival sa Cotabato Sanitarium General Hospital at ang kasama nito na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nasawi ilang oras habang nilalapatan ng lunas sa Cotabato Regional Medical Center sa Cotabato City.
Ang mga umatakeng suspek ay mabilis naman tumakas lulan ng get-away Honda Click motorcycle matapos ang pamamaril.
Kaugnay nito, iniulat na nadakip na sa hot pursuit operation ng mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek sa pag-ambush at pagpatay kina Buta at Gregorio at ngayo’y nakapiit na sa police detention facility at sumasailalim sa interogasyon.
Ayon kay Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng PRO-BAR, nagtutulungn na ang mga local executives sa Sultan Kudarat at municipal police upang maresolba ang nasabing krimen.
Nauna rito, dalawang miyembro ng 6th ID’s 7th Infantry Battalion, na sina Private First Class (Pfc.) Jobert Labuson at Pfc. John Mark Dumaguing, ang kapwa napaslang habang lulan at magkaangkas din ng motrosiklo matapos tambangan sa Barangay Ladia, Sultan Kudarat nitong Setyembre 23.
- Latest



















