Engineering student, 1 pa natusta sa sunog

MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang engineering student ang iniulat na nasawi makaraang makulong ng apoy sa loob ng nasusunog na 2 storey apartment sa Brgy. Pala-o, Iligan City, Lanao del Norte nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Renz Aguilar, 3rd year Engineering student at ang call center agent na si Lynrose Sobretodo, 26, call center agent.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang dalawang nasawi ay natagpuan ang halos natustang mga labi sa loob ng comfort room ng naturang apartment.
Base sa imbestigasyon, ang sunog ay nagsimula dakong alas-3:07 ng madaling araw at ang ikalawang alarma ganap na alas-3:22 ng madaling araw.
Ang sunog ay umabot sa ikatlong alarma kung saan mabilis itong kumalat na tumupok sa nasabing apartment.
Nagrespone naman ang mga bumbero at mga fire volunteer at idineklarang kontrolado na ang sunog dakong alas-5:08 ng umaga.
Sa pahayag ng mga residente sa lugar, nagulantang na lamang sila sa mabilis na pagkalat ng apoy kung saan nabigong masagip ang buhay ng dalawang biktima dahilan sa nababalutan na ng apoy ang buong kapaligiran.
Sa isinagawang clearing operation ng mga tauhan ng BFP ay narekober naman ang labi ng dalawang biktima sa loob ng comfort room.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng BFP sa naganap na sunog at inaalam na rin ang halaga ng pinsala sa insidente.
- Latest





















