3 katao utas sa operasyon vs DI-Abu Sayyaf Group

MANILA, Philippines — Tatlo katao kabilang ang isang bata ang nasawi habang sugatan naman ang isang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad upang hulihin ang isang notoryus na miyembro ng Dawlah Islamiyah-Abu Sayyaf Group (DI-ASG) sa Brgy. Sinunuck Zamboanga City nitong Huwebes ng madaling araw.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw nang magsagawa ng law enforcement operation ang mga elemento ng Mindanao Area Police Intelligence Office at 9th Intelligence and Security Unit ng Philippine Army upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspect na si Saddam Siddick na may kasong murder sa Basilan.
Ayon kay P/Major Shallamie Chang, spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 9, habang nagpapakilala ang mga operatiba sa bahay na kinatok ng grupo ay bigla silang pinaputukan ng baril.
Hanggang sa ilang minutong palitan ng putok ay natagpuang tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang bata. Samantalang narekober din ng mga operatiba ang isang granada at isang M16 rifle sa loob ng nasabing bahay, pero iginiit naman ng mga kaanak ng mga biktima na itinanim lamang ang mga ito at kung saan ay bigo umano ang mga awtoridad maaresto ang target. Hindi rin umano sangkot ang mga nasawi sa grupo ng DI-Abu Sayyaf Group. Isinugod naman sa pagamutan ang nasugatang opisyal ng SK.
Sa kabila nito, iginiit naman ng PRO 9 na lehitimo ang isinagawa nilang operasyon at nakasuot ng body worn camera ang mga pulis.
Sinigurado naman ng Police Regional Office-9 na magkakaroon nang masusing imbestigasyon sa nasabing insidente.
- Latest






















