Pekeng parak, 3 pa huli sa baril at granada
MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang impostor na pulis ang nasakote ng mga awtoridad matapos makumpiskahan ng mga armas at granada sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Brgy. Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga, kamakalawa.
Ayon sa report, isa sa mga suspect na tinukoy sa pangalang Ricardo, 33-anyos ay nagpakilala pang pulis nang sitahin ng mga operatiba pero wala siyang maipakitang dokumento. Nakumpiska mula rito ang isang Glock 41 pistol at isang granada.
Arestado rin ang tatlo pang suspect na kinilala lamang sa mga pangalang Jaime, 34; Jones, 31 at Drex, 21; pawang taga Metro Manila. Narekober mula kay Jones ang isang .380 caliber pistol.
Wala namang maipakita ang mga suspect na legal ang pagdadala nila ng mga armas sanhi ng kanilang pagkakaaresto.
Inihayag naman ni P/Col. Joselito Villarosa Jr., director ng Angeles City Police na tinangka pa ni alyas Drex na suhulan ang mga awtoridad ng P3,000 at nangako na dadagdagan ito ng P7,000 sa Gcash.
Naghihinala ang pulisya na ang nasabing mga armas ay gagamitin ng mga suspect sa panghoholdap.
Nabatid pa na nagkasa ng anti-criminality checkpoint ang Angeles City Police upang matuldukan ang mga nangyayaring robbery/holdup sa lungsod na partikular na nambibiktima ng mga dayuhang turista.
- Latest



















